Muling nagprotesta ang katutubong mamamayan at residente ng dalawang barangay ng Itogon, Benguet noong Enero 27 para tutulan ang pagpapalawak ng operasyon ng Sangilo Mines, pag-aari ng Itogon-Suyoc Resources, Inc. (ISRI). Itinaon ang pagkilos sa isinagawang “public scoping” na ipinatawag ng Department of Environment and Natural Resources-Environmental Management Bureau (DENR-EMB) sa Barangay Tuding.

Ang “public scoping” ay isang paunang hakbang na isinasagawa ng DENR-EMB para sa Environmental Impact Statement (EIS) o Environmental Impact Assessment (EIA) para sa isang takdang proyekto. Sinasabing layunin nito na dinggin ang mga isyu, hinaing at mungkahi ng mga maaapektuhan ng pagmimina at para maitakda ang saklaw ng pag-aaral kaugnay nito.

Sa halip na lumahok sa pagpupulong ng DENR-EMB, isang protesta ang isinagawa ng mga taga-Sityo Dalicno ng Barangay Ampucao at Barangay Poblacion para tuligsain ang proyekto. Ayon sa Itogon Interbarangay Alliance (IIB-A), huwad ang isinagawang pampublikong konsultasyon dahil sa hindi sapat na pagpapabatid sa mga komunidad kaugnay nito.

Ang sinasabing dokumento na mula sa DENR-EMB, na may petsang Enero 8, ay natanggap lamang ng lokal na gubyerno ng Itogon noong Enero 14. “Binigyan lamang ang publiko ng 13 araw para suriin ang isang napaka-teknikal na dokumentong may 170 pahina, na hindi makatuwirang asahan na lubos na mauunawaan ng isang karaniwang mamamayan,” ayon sa IIB-A.

Dagdag ng grupo, limitado rin ang akses ng publiko sa naturang dokumento dahil hindi maaaring mag-download ng sariling kopya ang sinuman at sa halip ay kailangang i-akses online.

“Nananawagan kami sa lahat ng kaukulang mga ahensya ng regulasyon na magtakda at magsagawa ng komprehensibo at malaya (hindi kontrolado ng nagsusulong ng proyekto) na mga pag-aaral sa hydrogeology at pagsusuri sa konstruksyon ng dam,” ayon sa grupo. Dagdag ng IIB-A, higit sa lahat ay dapat tiyakin ang tunay at wastong proseso ng free, prior, and informed consent (FPIC) na iginagalang ang karapatan ng mga katutubong mamamayan.

Ang ekspansyon ng Sangilo Mines sa Sityo Dalicno ay pinahintulutan sa bisa ng Application for Production Sharing Agreement (APSA) 103. Ito ay isang kasunduan ng ISRI at gubyerno na magpapahintulot ng pagmimina sa 581 ektaryang lupa na nasa saklaw ng mga barangay ng Virac, Poblacion, at Ampucao. Sa bisa nito, papayagan ang kumpanya na makapagmina ng 22 milyong tonelada ng gold-bearing ore sa loob ng 25 taon.

Simula pa dekada 1930 ay nag-ooperasyon na ang ISRI sa Benguet. Sa kasalukuyan, ang kumpanya ay pagmamay-ari ng Apex Mining Corporation Inc ni Enrique Razon Jr.

Simula pa Agosto 2020 ay tinutuligsa na ng mga katutubong mamamayan at residente ang ekspasyon ng proyektong mina. Inilantad nila ang mga anomalya sa kada yugto ng prosesong dinadaanan ng ISRI at ng mga ahensya ng gubyerno para rito. Naglunsad ang mga residente ng protesta, karaban, pagsasampa ng mga kasong sibil at iba pang tipo ng sama-samang pagkilos para mapahinto at tuluyang maibasura ang proyekto.

The post Katutubong mamamayan ng Benguet, muling nagprotesta kontra proyektong mina appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.