Ikinagalak ng mamamayan ng Nueva Viscaya, mga grupong makakalikasan, taong simbahan at mga sumusuporta sa laban kontra-mina ang pagbabasura ng piskalya sa isinampang kaso laban sa pitong residente ng Dupax del Norte noong Enero 26. Iligal na inaresto ang pito habang nasa barikada at walang batayang idinetine dahil sa kanilang pagtutol sa pagpasok ng Woggle Corporation sa kanilang komunidad.
Idineklara ng Prosecutor’s Office ng Nueva Vizcaya na walang batayan ang ikinasong “resistance and disobedience against person in authority” laban sa pitong residente at ang idinagdag na kasong “obstruction of justice” laban kay Florentino Daynos, isa sa mga lider ng komunidad. Ang mga inaresto ay sina KagawadKrislyn Pocda, Adela Modi, Analiza Balliao, Amelia Rabino, Janet Macari atSonnette Bullecer.
Ayon sa Save Cagayan Valley, ang pagbasura sa gawa-gawang kaso ay sampal sa mukha sa rehimeng US-Marcos Jr. Ibinunyag nito ang kabiguan ng estado na pangalagaan ang kalikasan at itaguyod ang karapatan ng mga komunidad laban sa mapanirang mga gawain sa pagmimina.
Sa parehong araw, nagprotesta ang Migrante United Kingdom, lnternational Coalition for Human Rights in the Philippines (ICHRP)-Britain at London Philippine Solidarity sa upisina ng Metals Exploration PLC, ang parent company ng Woggle Coporation sa London, upang kundenahin ang kumpanya sa patuloy nitong pang-aabuso, pananakot at karahasan laban sa mga magsasaka at katutubo ng Dupax del Norte.
Naglunsad ang mga grupo sa UK ng kampanyang “British Mining Out of the Philippines” upang ipanawagan ang pagwawaksi ng operasyong mina ng mga kumpanya mula sa Great Britain na patuloy na dumarambong at sumisira sa likas na yaman ng Pilipinas at lumalabag sa karapatang-tao.
Binigyang-diin ng mga raliyista na malaki ang epekto ng pagmimina sa mga komunidad, dahil nalalagay nito sa panganib ang kabuhayan ng mga magsasaka at katutubo, gayundin ang kanilang tahanan, lupang sakahan, ekosistema ng kagubatan, at ang mahalagang tipunan ng tubig na sumusuporta sa isa sa mga pangunahing rehiyon ng bansa sa produksiyon ng pagkain.
The post Kaso laban sa 7 residente ng Dupax del Norte, ibinasura ng piskalya appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

