Nagpupugay ang NDFP-ST sa ika-56 anibersaryo ng First Quarter Storm (FQS) ng 1970 kung saan humugos sa mga lansangan ang kilusang masa sa pangunguna ng mga kabataang estudyante kasama ang uring anakpawis at iba pang aping sektor upang ipanawagan ang radikal na pagbabago sa mapagsamantala at mapang-aping sistema ng lipunang Pilipino. Sa diwa ng paggunitang ito sa militanteng tradisyon ng mga Pilipino, malalaking hamon ang nakaatang sa mga kabataan na marapat suungin upang kamtin ang pambansang demokrasya.

Nagsimula ang FQS noong Enero 26, 1970 at nasustine hanggang Marso 1970 na serye ng mga protestang bayan laban sa rehimeng US-Marcos I. Nasa unahan ng paglabang ito ang Kabataang Makabayan, na kinatawan ng mga kabataang nangahas na mag-aral, kritikal na suriin ang lipunan at nagbandila ng alternatibong programang sumasalamin sa pambansa demokratikong adhikain ng bayan. Sa pamamagitan ng FQS, nahubog ang isang pambansang kamalayang nagtatakwil sa bulok na malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino. Naging isang pambansa-demokratikong paaralan ang lansangan ng pakikibaka. Higit sa lahat, dito nasanay ang isang henerasyon ng mga rebolusyonaryong kabataan na tinanganan ang marubdob na dedikasyon at rebolusyonaryong diwa para sa ganap na pagbabagong panlipunan.

Ang kasalukuyang pakikibaka ng bayan para sa pambansang kalayaan, demokrasya at sosyalismo ay pagpapatuloy sa sigaw ng bayan noong FQS. Lumalakas ang panawagan upang wakasan ang pasismo ng estado at laganap na korapsyon; para sa lehitimong kahilingan ng mamamayan para sa kabuhayan, lupa, karapatan at kalayaan; hanggang sa pagpapabagsak sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo na mga salot sa lipunang Pilipino.

Sa ganitong diwa, hinahamon ang kabataang Pilipino ng kasalukuyang henerasyon na sabanain ang malalaking alon ng pakikibaka at pangunahan ang kontra-agos na kultura laban sa papalala at papabulok na kalagayan ng bayan. Sa gitna ng umiigting na paniniil at paninindak ng kasalukuyang rehimeng US-Marcos II, hamon sa kabataang Pilipino na palakasin ang panawagan ng bayan laban sa korapsyon at kahirapan.

Inaasinta ng kamay na bakal ng estado ang mga kabataan na palatandaan ng desperadong hakbang ni Marcos Jr para supilin ang makatarungan at demokratikong paglaban ng kasalukuyang henerasyon ng mga pag-asa ng bayan. Si Marcos Jr, katulad ng kanyang amang diktador, ay nahihintakutan sa lakas at laki ng potensyal ng malawak na masang namumuhi sa katiwalian at kabulukan ng reaksyunaryong gubyerno. Sa kabilang banda, hindi pa rin natututo si Marcos Jr sa kasaysayan sa pag-aakalang mapapatahimik niya ang mga kabataan sa pamamagitan ng panlilinlang at pananakot.

Hindi pinanghihinaan ang mga kabataan at mga rebolusyonaryo, bagkus humahanap ng mapanlikhang pamamaraan upang patuloy na abutin ang malawak na masang Pilipino at magsilbing boses upang itambol ang kanilang panawagan. Kagaya ng FQS na nagsilbing mitsa ng dagundong ng pakikibakang yumanig sa noo’y rehimeng US-Marcos I, marapat na kumilos ang kasalukuyang mga rebolusyonaryo laluna ang mga kabataan para pagliyabin ang damdamin ng malawak na masa at palahukin sila sa isang malapad na nagkakaisang prente laban sa imperyalismo, pasismo at pyudalismo.

Gawing inspirasyon ang mga pamanang aral ng FQS sa gitna ng kasalukuyang kilusang pagwawasto. Napakapaborable ng kasalukuyang kalagayan para sa ibayong pagsusulong ng pambansa demokratikong rebolusyon. Malaki ang kahingian ng sambayanan na wakasan ang korapsyon at pasismo ng magkaribal na paksyong Marcos at Duterte, mga sagadsaring burukrata kapitalista. Gayundin, malawakan ang panawagan para sa tunay na reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon at mga demokratikong kahilingan.

Dakilang misyon ng mga rebolusyonaryo na ihatid ang mamamayan sa landas ng rebolusyon upang tuluyang gapiin at ibagsak ang tatlong salot sa lipunan na imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo. Patuloy na pandayin ang panibagong henerasyon ng mga rebolusyonaryong handang ilaan ang buong panahon para sa mas maaliwalas, masagana at makatarungang kinabukasan.

The post Likhain ang daluyong ng pakikibakang masa para sa pambansang demokrasya appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.