Maalab na pagbati sa lahat ng kabataan, laluna ang kapwa naming kabataang Atenista, na nakiisa sa mga dambuhalang kilos-protesta kontra korapsyon sa nakaraang taon!
Ngayon, higit kailanman, ang panahon upang sariwain ang kasaysayan ng Sigwa ng Unang Kwarto, sa okasyon ng ika-56 na anibersaryo nito.
Hindi naiiba ang kasalukuyang sitwasyon ng ating bayan sa panahon ng Sigwa noong 1970. Bumubulusok at bumabagsak ang ekonomya ng ating bansa dahil sa pagpapakatuta ng rehimeng Marcos, noon at ngayon, sa nangungunang monopolyo-kapitalistang kapangyarihan sa bansa, ang Estados Unidos. Labis-labis ang pinagdarambong at kinukulimbat ng rehimen mula sa sambayanan. Tumitindi rin ang pasistang panunupil sa mamamayan, parehong sa kalunsuran at sa kanayunan. Ito ang mga dahilan ang nagtulak sa higit limampung-libong kabataan na magkasa ng isang dambuhalang protesta noong January 26, ang araw ng SONA ni Ferdinand Marcos Sr. Militanteng pinangunahan ng Kabataang Makabayan at Samahang Demokratiko ng Kabataan ang huling bahagi ng programa upang igiit ang pagkawalang-bisa ng reporma at kompromiso sa rehimeng Marcos Sr. Matapos ang harap-harapang kumprontasyon ng hanay ng kabataan kay Marcos Sr at kay Imelda Marcos, marahas na nilusob at binuwag ng pasistang kapulisan ang protesta. Dalawang kabataan ang namatay sa makahayop na paghahampas ng batuta at pamamaril ng pulis, habang daan-daan ang lubhang nasugatan at dinakip. Nahubaran na ng palamuting “demokrasya” at “kalayaan” ang reaksyunaryong estado, at tahasan nang nagpakita ng tunay na pagkahalimaw ang rehimen bilang instrumento ng naghaharing uri sa pagpapanatili ng kanilang paghahari at pagpapasahol ng pananamantala sa kanilang pinaghaharian.
Pareho ang ipinamamalas ng rehimeng US-Marcos II sa kasalukuyan. Walang-patumangga niyang pinagdarahas ang mamamayang lumalaban sa sobra-sobrang katiwalian at pang-aapi, higit lalo ang kabataang estudyante na ngayo’y isinusuka ang bulok na kaayusan ng lipunang Pilipino at minimithi ang rebolusyonaryong pagbabago. Pinapaigting ng ganid na rehimen ang hawak sa mga pamantasan sa bisa ng AFP, PNP, at NTF-ELCAC. Nakabalangkas sa NAP-UPD ng rehimen ang kanyang plano upang palawakin at palalimin ang inaabot ng puting lagim sa hanay ng mamamayan, at sa gayo’y pumapasok sa mga Deklarasyon ng Kooperasyon ang AFP sa mga nangungunang pamantasan sa bansa. Sa gayo’y direktang hinuhuthot ng pasistang militar ang lakas at talento ng kabataang estudyante para paunlarin ang kanilang makinarya at teknolohiya sa kasalukuyan nilang kontra-rebolusyonaryong giyera sa buong bansa. Ginagamit rin ng NSC at NTF-ELCAC ang tabing ng akademikong diskurso upang lasunin ang pag-iisip ng kabataan at pigilan ang kanilang kritikal na pag-aaral sa masidhing tunggalian ng mga uri sa ating bayan. Umaabot ang kasahulan ng AFP sa paglalako ng mga lakbay-aral sa kanilang mga kampo at base militar sa mga menor-de-edad upang ipalaganap ang kaisipang militaristiko. Bukambibig na binabansagang terorista ang bawat kabataang naghahangad na baguhin ang kasalukuyang sistema at kaayusang mapang-api. Sa lahat-lahat ng pamamaraan, nilalayong gawing bulag, bingi, pipi, at manhid ang kabataang estudyante sa labis-labis na pang-aapi at pagsasamantala ng rehimeng US-Marcos II.
Ngunit nakalimutan ng nakababatang Marcos ang mga aral at karanasan mula sa panahon ng tatay niyang diktador. Hindi nagpapatinag ang militanteng diwa ng kabataan sa anumang dahas. Apat na araw mula sa pagbuwag ng protesta noong January 26, 1970, muling tumungo ang higit limampung-libong kabataan sa lansangan, at nagmartsa patungo sa tarangkahan ng Malacanang, bitbit ang panawagang: “Makibaka, huwag matakot!” Namulat na ang hanay ng kabataan sa marahas na reyalidad ng tunggalian ng uri sa lipunang Pilipino. Sa gayo’y harap-harapan nilang niyanig ang rehimeng Marcos Sr., pinabulaanan ang pasistang kapangyarihan nito, at ibinalandra ang katotohanan na isa lamang itong tigreng papel. Ngunit simula pa lang iyon sa kanilang rebolusyonaryong tungkulin: matapos ang mga higanteng pagkilos at dambuhalang protesta ng Sigwa ng Unang Kwarto, tumungo ang laksa-laksang kabataan sa kanayunan upang pag-aralan ang mga tunay na kondisyon ng lipunang Pilipino. Iniugnay ang mga aral na ito sa dakilang teorya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo upang umambag sa demokratikong rebolusyong bayan, ang tanging solusyong papawi sa mga batayang ugat ng kahirapan ng bayan. Bunga mismo ng napakasahol na karahasang ipinataw sa mga kilos-protesta sa kalunsuran, napagtanto ng isang buong henerasyon ng kabataang estudyante ang katotohanan na ang matagalang digmang bayan sa kanayunan ang nag-iisang landas upang pabagsakin ang ganid na rehimen at naaagnas na sistemang umiiral sa Pilipinas. Sa pagpapalaganap ng labis-labis na kontra-rebolusyonaryong lagim, nilikha mismo ni Marcos Sr ang napakainam na sitwasyon upang ilunsad ang armadong rebolusyon.
Pawang kamangmangan sa mga batas ng kasaysayan ang isipin na malilipol ang rebolusyonaryong kilusan ng kabataang estudyante. Nakaukit sa kasaysayan na ang bawat pagtatangkang durugin ang rebolusyonaryong giting at tapang ng kabataan ay magagapi at bubulwak sa mukha ng reaksyunaryong estado. Tiyak na tatapatan at hihigitan ng rebolusyonaryong kilusan ang anumang dahas at pang-aapi ng estado gamit ang rebolusyonaryong dahas. Ito ang istorikong tungkulin ng kabataan upang ipagwagi ang malayang kinabukasan at ipundar ang isang lipunang walang pagsasamantala.
Hamon sa bawat kabataan ngayon ang kumawala sa kumportableng buhay na kinasanayan at buong-pusong ipagsilbi ang oras, lakas, at buhay sa demokratikong rebolusyong bayan na magpapabagsak sa ganid na rehimeng US-Marcos II. Para sa aming mga kapwa Atenista, isapuso natin ang makulay na talambuhay ng mga Atenistang tinahak ang landas ng makauring tunggalian at sinandigan ang rebolusyonaryong pananaw ng masang inaapi at pinagsasamantalahan. Katulad nina Emmanuel Lacaba, Ferdinand Arceo, William Begg, Edgar Jopson, Sonny Hizon, Dante Perez, Nick Solana, Lazaro Silva, at iba pang namulat sa dahas ng reaksyunaryong rehimeng Marcos Sr, walang-alinlangang kaisahin ang aping sambayanan sa kanilang rebolusyonaryong mithiin. Mula sa pagiging masugid na organisador ng Kabataang Makabayan at Samahang Demokratiko ng Kabataan sa kalunsuran, buong-loob silang nagpasyang tumangan ng armas sa kanayunan at naging Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan. Huwag mag-atubili sa pagsunod sa kanilang yapak at patalasin ang isip sa bisa ng rebolusyonaryong teorya at makilahok sa digmang bayan upang bumuo ng proletaryong muog ng himagsikan sa mga maralitang komunidad sa kanayunan. Ang tumungo sa kanayunan upang maging Pulang mandirigma ay hindi terorismo; bagkus, ito ang tumpak at dakilang paraan upang depensahan ang sambayanan mula sa terorismo ng ganid at reaksyunaryong gobyernong pinasusuhulan ng pandaigdigang monopolyo-kapitalistang sistema. Sa ganitong paraan lamang nating matatanganan ang ating tungkulin bilang kabataan na magsilbing pag-asa ng bayan.
Lipos na isabuhay ang mapanghimagsik at rebolusyonaryong diwa ng FQS! Maghimagsik upang ibagsak ang ganid, papet, at pasistang rehimeng US-Marcos II!
Mabuhay ang Kabataang Makabayan!
Mabuhay ang mga Atenistang martir ng sambayanan!
Viva CPP-NPA-NDF!
The post Kabataan, lipos na isabuhay ang diwa ng FQS! Maghimagsik laban sa ganid na rehimeng US-Marcos II! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

