Hindi na ikinagulat ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Rizal (Narciso Antazo Aramil Command) ang kaso ng pamamaril at pagpatay ng mga tauhan ng CAFGU (Citizen Armed Force Geographical Unit) Active Auxiliary sa isang upisyal militar ng 80th IB noong Enero 20. Napatay ang isang “Sgt. Mark” nang nagkapikunan habang nag-iinuman sa detatsment militar sa Sityo Macaingalan, Barangay Puray sa Rodriguez, Rizal.
Ayon sa ulat, ang pamamaril ay bunsod ng matagal nang kinimkim na galit ng CAFGU sa “pagdidisiplina sa kanyang pag-iinom ng alak” ng lasing din na upisyal militar. Ang sarhento ang tumatayong ikalawang kumander ng 80th IB sa naturang detatsment. Humaharap sa kasong pagpatay ang isa sa tatlong CAFGU, habang ang dalawa ay sinampahan ng illegal discharge of firearms.
“Patunay [ito] ng mersenaryo, bulok at marahas na kultura at tradisyon ng AFP-PNP-CAFGU na nagreresulta sa panloob na kaguluhan mismo sa hanay ng mga myembro nito—kapwa upisyal at karaniwang kawal,” ayon kay Macario Liwanag (Ka Karyo), tagapagsalita ng BHB-Rizal.
Aniya, notoryus ang 80th IB at CAFGU sa Barangay Puray sa kanilang paglalasing at pamamaril sa baryo. Noong 2024, may kahalintulad na ring balita ng pamamaril ng miyembro ng 80th IB sa kapwa sundalo sa mismong sentro ng barangay.
“Katunayan, isa sa mga dinadaing ng mamamayan sa lugar at mga karatig barangay ang ugali ng mga sundalo ng 80th IB na mag-inuman at walang-patumanggang mamaril bilang bahagi ng kanilang kasiyahan,” dagdag ng tagapagsalita.
Bukod umano sa mga kaso ng paglalasing at pamamaril, naitala rin ang pamemerwisyo ng 80th IB sa Rodriguez sa pag-istasyon sa paaralan at panggugulo sa klase ng mga bata sa Sityo Kwinaw ng Barangay Puray, at ang magtatatlong taon nang pag-istasyon sa kalapit ng mga bahay sa Sityo Ilas ng parehong barangay.
“Nananawagan kami sa mamamayang Rizaleño na magkaisa at palakasin ang pakikibaka upang palayasin ang 80th IB sa Rizal,” ayon kay Ka Karyo. Aniya, nararapat nang kumilos ang taumbayan upang hindi na madamay ang mga sibilyan sa mga ganitong kaso ng pamamaril at mga paglabag sa karapatang-tao.
Hinamon rin niya ang mga tauhan ng CAFGU na talikuran na ang pagsisilbi sa reaksyunaryong Armed Forces of the Philippines (AFP). “Kung nais ninyong tunay na maglingkod sa bansa, piliin ninyo ang tanging hukbo na mahaba ang kasaysayan sa pagtatanggol sa interes ng masa, nagtatamasa ng demokrasya sa loob ng hanay at may bakal na disiplinang nagpapatibay ng ugnayan nito sa mamamayan—ang Bagong Hukbong Bayan,” aniya.
Ganito rin ang inihayag ni Ka Cleo del Mundo, tagapagsalita ng panrehiyong kumand ng BHB sa Southern Tagalog (Melito Glor Command). Aniya, marami sa mga magsasakang nagka-CAFGU ay nagmula sa maralitang magsasakang napipilitan lamang na sumapi dahil sa hirap ng paghahanap ng trabaho at desperadong kumita ng pera.
“Ginagawa silang traydor sa sariling uring pinagmulan upang lalo pang masadlak sa hirap at maging kasangkapan sa pagsupil sa paglaban para sa lupa, kabuhayan at karapatan ng masang anakpawis,” aniya. Ayon kay Ka Cleo, nararapat lamang na iwanan na ng mga CAFGU ang kanilang hanapbuhay at pumanig sa makatarungan at makauring laban ng mga magsasaka.
The post Pagpatay ng tauhan ng CAFGU sa upisyal ng 80th IB, patunay ng kabulukan ng AFP—BHB appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

