Kinundena ng Salinlahi Alliance for Children’s Concerns at Parent’s Alternative on Early Children Care and Development Inc, (PAECCDI) ang ginawang “educational tour” na pinangasiwaan ng 89th IB para sa 150 estudyante ng preschool (edad 4-6 anyos) mula sa Child Development Centers ng Barangay North, Poblacion Maramag, Bukidnon noong Enero 15.

Sa ilang litrato sa kanilang Facebook page hinggil sa kanilang gawain para sa “pakikipag-ugnayan sa komunidad” at “pag-unlad ng mga kabataan,” makikita ang isang sundalo na nagpapahawak ng iba’t ibang tipo ng baril sa mga bata.

Ayon sa PAECCDI, bagama’t totoo na may karapatan ang mga bata sa impormasyon na angkop sa kanilang edad tulad ng kamalayan hinggil sa mga tao sa kanilang komunidad, kwestyunable pa rin kung tama ba na malantad ang mga bata sa mga baril sa pagtatabing na ito ay para sa “pag-unlad ng mga kabataan”.

“Ang pagsusulong ng ‘nation building’ sa mga bata ay dapat isagawa sa isang siyentipiko at sensitibong paraan na may akma na hakbang upang matiyak na maprotektahan ang mga bata mula sa lahat ng porma ng karahasan,” paliwanag ng grupo.

Ayon sa Salinlahi, taliwas sa nais palabasin ng militar sa publiko, kailanman ay hindi naging positibo ang mga pakikipag-ugnayan ng mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga bata.

Anito, samutsari ang naging paglabag ng AFP sa karapatan ng mga bata, kabilang ang pagdukot, iligal na pag-aresto, tortyur, panggigipit at panggagahasa. Sa ilalim ng rehimeng US-Marcos Jr, umabot sa 30 na menor de edad ang pinaslang ng AFP.

Kabilang sa mga pinatay ng AFP sina Kylene Casao, 9 anyos mula sa Batangas; JP Osabel, 14 anyos at Rey Belan, 17 anyos mula sa Masbate. Nitong Enero lamang, dalawang bata na nagkokopra ang pinaputukan ng mga sundalo sa Samar. Nakatakas ang isa habang di na nakita ang isa pa.

Anang grupo, hindi dapat makalimutan na tropa ng AFP ang nambomba sa mga eskwelahan at komunidad ng lumad sa Mindanao. Ang mga sundalo din ang nambomba sa komunidad ng Abra de Ilog, Occidental Mindoro na naging dahilan ng pagkapaslang ng tatlong bata na Mangyan-Iraya, dagdag ng grupo.

“Karapat-dapat na mapahiya ang 89th IB sa pagkilos nila na may karapatan silang turuan ang mga bata sa kahalagahan ng patriyotismo, disiplina at serbisyo. Mismong rekord ng AFP ang magpapatunay na instrumento lamang sila ng karahasan at pang-aabuso sa mga bata,” pahayag ng Salinlahi.

The post “Learning Tour” ng mga bata sa kampo ng militar, kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.