Nakapaglunsad ng pagdiriwang ang rebolusyonaryong kilusan at masa ng Batangas para sa ika-57 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) noong Disyembre 26, 2025. Isinagawa ito sa isang larangang gerilya sa prubinsya sa pangagasiwa ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Batangas (Eduardo Dagli Command).
Magkakasama sa aktibidad ang mga kadre ng Partido, ang yunit ng BHB at mga bisita mula sa iba’t ibang sektor mula sa kanayunan at kalunsuran. Matagumpay itong naidaos sa gitna ng focused and sustained military operations (FSMO) ng berdugong militar.
Ang pagtitipon ay ginabayan ng temang “Pamunuan ang Daluyong ng Kilusang Masa Tungo sa Pagpapabagsak sa Rehimeng US-Marcos! Palakasin ang Partido at Malalim na Umugat sa Masa!” Pinagpugayan sa aktibidad ang kasaysyan ng Partido sa prubinsya ng Batangas na nagsimula noon pang dekada 1970 at namuno sa maraming Batangueño na lumahok sa rebolusyonaryong kilusan.
Pinarangalan nila ang mga anak ng Batangas na nag-alay ng buhay para sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan. Kabilang dito sina Ka Roger Rosal, Ka Eduardo Dagli at marami pang mga kadre ng Partido at Pulang mandirigma na mga naging haligi ng kilusan hindi lamang sa prubinsya kundi maging sa buong Southern Tagalog at sa bansa.
Sinariwa nila ang naging mga tagumpay ng masang Batangueño at kanilang pakikibaka, sa pamumuno ng Partido. Ilan dito ang matatagumpay na pamamahagi ng lupang sakahan ng mga magsasaka, pagtatayo ng mga unyon ang mga manggagawa, at pagpapasigla sa pakikibaka ng sektor ng kababaihan at mga kabataan, lalo na sa hanay ng kabataang estudyante.
Nagbigay-diin rin ang selebrasyon sa muling pagbabalik-aral sa mga batayang prinsipyo ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at pag-aaral sa lokal at internasyunal na kalagayan sa ekonomya at pulitika. Bahagi ng programa ang pagtatalakay sa pahayag ng Komite Sentral at Komiteng Rehiyon ng Partido.
Naging masigla ang programa dahil sa mga kultural na pagtatanghal. Kinanta sa programa ang mga awiting Higit na Matatag, Bandilang Pula, Martsa ng Manggagawang Pangkultura, at Martsa ng Nagkakaisang Hanay. Nagtanghal din ng awit-galaw ang mga Pulang mandirigma na naglarawan ng isang taktikal na opensiba kasabay ng isang exhibition ng iba’t ibang self-defense techniques laban sa pasistang kalaban. Itinanghal rin ang balagtasang Rebolusyon ba’y Magtatagumpay na nagtalakay sa mahalagang aral laban sa suhetibismo at pesimismo.
Buong buwan ng Disyembre 2025 ay naghahanda ang BHB-Batangas para sa pagtitipon. Unang hati pa lang ng buwan ay nag-eensayo na ang Pulang Bandila, pangkuluturang yunit ng BHB-Batangas. Kasabay ng mga preparasyon, nagpursige ang yunit na makapagpadalo ng mga bisita at matagumpay silang naihatid sa pagdadausan ng selebrasyon.
Batid ng Partido at BHB-Batangas na hindi magtatagumpay ang pagdaraos ng anibersaryo kung wala ang mainit na suporta ng masa. Malaki ang pasasalamat nila sa lahat ng naging katuwang ng hukbo para sa pagdiriwang.
Sa pagtatapos ng programa, nagpahayag ng determinasyon ang BHB-Batangas at mga pwersa sa lungsod na pasisiglahin pa ang pag-ugat sa masang pinaglilingkuran. Anila, matapat nilang babalikatin ang anumang sakripisyo hanggang sa tagumpay.
The post Pagdiriwang sa ika-57 anibersaryo ng PKP, inilunsad sa Batangas appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

