Higit pang nalantad ang kabulukan ng 2nd Infantry Division ng Philippine Army na pinamumunuan ni Gen. Ramon Zagala matapos maganap ang trahedyang pamamaril ng CAFGU Active Auxiliaries (CAA) na ikinamatay ng isa nilang upisyal.
Noong Enero 20, napabalitang tinadtad ng bala ng myembro ng CAFGU o Citizen Armed Force Geographical Unit ang di pa pinapangalanang upisyal nito at tumatayong assistant detatchment commander ng 80th IBPA sa isa nilang kampo sa Barangay Puray, Rodriguez, Rizal.
Naganap ito matapos ipagyabang ng 2nd ID noong December 13, 2025 na kanila raw itinataas ang katayuan at papel ng CAA sa ilalim ng konseptong Total Force, kung saan ang mga regular na sundalo, reservist at CAA ay pinag-isang pwersa. Pinalitan din nila ang ngalan ng CAFGU tungong National Guard.
Ayon sa mga ulat, ang pamamaril ay bunsod ng matagal nang kimkim na galit ng CAFGU sa “pagdidisiplina sa kanyang pag-iinom ng alak” ng lasing din na kanyang upisyal.
Hindi na nagtataka ang taumbayan sa ganitong klase ng mga pangyayari sa loob ng reaksyunaryo at mersenaryong armadong pwersa. Sa ulat ng NPA-Rizal, notoryus ang mga tropa ng 80th IBPA kung saan ang mga kampong militar ay nakalatag sa ilang sityo sa Barangay Puray sa walang-patumanggang pamamaril at iba pang tipo ng paglabag sa karapatan ng mga magsasaka, katutubong Dumagat at Remontado sa lugar. Noong Mayo 2025, naiulat din sa Mindoro ang pamamaril ng CAA sa regular na sundalo dahil sa galit sa huli. Matatandaan din noong 2019 na may isang kasapi ng CAFGU na sumuko sa NPA-Quezon at isiniwalat ang mga di niya maatim na pagtrato sa kanila ng mga regular na sundalo ng 85th IBPA.
Sistemiko at kronikong problema ng AFP-PNP-CAFGU ang mersenaryo at pasistang indoktrinasyon nito mula sa mga kurso, pagpapahalaga (values) at etika (ethics) na nakaugat sa institusyon ng Philippine National Police Academy, Philippine Military Academy, mga programang Citizen Advancement Training (CAT), Reserve Officers Training Corps (ROTC) at iba pang programa’t institusyong nililikha nito sa mga pagsasanay hanggang sa pagtupad sa mga operasyon. Karaniwan nang kalakaran nila ang napakaburukratikong estilo kung saan ang pinakamakapangyarihan ay ang mga heneral at upisyal. Nagkakaroon ng ispesyal na pribilehiyo at pagwawasiwas ng kapangyarihan ang mga ito habang ang mga karaniwang kawal o rank and file ang ginagawang utusan at kinakayan-kayanan sa puntong niyuyurakan ang kanilang karapatan at dignidad bilang indibidwal.
Pinakamababa ang pagtingin at diskriminasyon ng Philippine Army sa kanilang CAA sa anyo ng mababang pasahod at benepisyo, pagmamaltrato at tratong-utusan, pambabastos at di-makataong pagdidisiplina. Para sa buong armadong sandatahan ng reaksyunaryong GRP, utos-utusan at pambala lamang sa kanyon ang mga CAFGU at iba pang mababa o walang ranggo sa AFP at PNP.
Dapat iwaksi ng sambayanan ang bulok na kultura ng AFP-PNP-CAFGU na mga mersenaryo, berdugo, pasista, terorista at salot sa bayan. Dapat silang palayasin sa ating mga komunidad kapwa sa kalunsuran at kanayunan. Kung tutuusin, karamihan sa mga magsasakang nagka-CAFGU ay nagmula sa maralitang magsasakang napipilitan lamang na sumapi sa CAFGU dahil sa hirap ng paghahanap ng trabaho at desperadong kumita ng pera. Ginagawa silang traydor sa sariling uring pinagmulan upang lalo pang masadlak sa hirap at maging kasangkapan sa pagsupil sa paglaban para sa lupa, kabuhayan at karapatan ng masang anakpawis.
Marapat na iwanan na ng mga CAFGU ang kanilang hanapbuhay sa piling ng mga pasistang sundalo at pumanig sa makatarungan at makauring laban ng mga magsasaka. Kung sila’y handang maglingkod nang tunay sa bayan at ialay ang buhay, ang New People’s Army ay bukas sa kanila upang wastong ilugar at isakatuparan ang mitihiin ng mga magsasaka at iba pang anakpawis na gustong mag-armas para maglingkod sa sambayanang inaapi at pinagsasamantalahan sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan.
The post Itakwil at talikuran ang pasistang indoktrinasyon ng AFP-PNP-CAFGU! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

