Niyanig ang mga naghaharing-uri sa iba’t ibang panig ng daigdig ng sunod-sunod na pagkilos ng kanya-kanyang mamamayan, partikular ng mga kilusang estudyante sa maraming parte ng mundo noong nakaraang taon. Tampok dito ang pag-aalsa sa Madagascar, Indonesia, Nepal, at iba pa. Dito sa Pilipinas, naganap ang sunud-sunod na walk-out ng mga estudyante mula sa iba’t ibang mga pamantasan bilang pagpapakita ng kanilang disgusto sa malawakang korapsyon ng rehimeng US-Marcos II.
Hindi maitatatwa ang naging papel ng kabataan sa pagpapakilos ng malawak na sambayanan laban sa burukratang kapitalismo nang malantad ang mga maanomalyang proyektong imprastruktura sa pamumuno ni Marcos Jr. Kaya naman, ang naging tugon ng papet na gubyerno ay pandarahas, panunupil, malawakang kampanyang disimpormasyon, at red-tagging. Noong September 21, anibersaryo ng Batas Militar ni Marcos Sr., 277 na kabataan ang iligal at bayolenteng inaresto ng kapulisan sa Mendiola at Ayala. Nang sumunod na linggo, sunud-sunod ang paglabas ng mga subpoena para sa mga lider-estudyante. Tuluy-tuloy naman ang pagpapalaganap ng itim na propaganda ng NTF ELCAC sa mga social media at maging sa loob ng mga pamantasan mismo kung saan dinadamitan nila itong “research forum”. Marami nang naitalang pamantasan ang tuwiran at di-tuwirang nakipag-ugnayan sa mga pasistang ahenteng ito. Lantad na lantad ang layunin ng pasistang rehimeng Marcos Jr. na supilin at idepolitisa ang kabataan—gamit ang dahas at disimpormasyon.
Sa tindi ng ligalig pampulitika sanhi ng malawakang pandarambong ng mga burukrata kapitalista at mga kapural nilang kontraktor dapat suriin ang proposisyong Social Media Regulation Act ni Ping Lacson.
Sa naunang ipinasang SIM registration Law, hindi lamang higit na nagawang sopistikado ang paraan ng panloloko at scams, nalantad din ang layunin nitong mang-harass at mang-surveillance sa mga indibiduwal at grupong target ng estado. May naitala nang kaso noong pagkilos ng September 21 ng sistematikong pagpapalaganap ng text message na nagbibigay umano ng pera para sa lahat ng sumama sa rally. Para umano sa “verification”, ibigay ang kumpletong pangalan at organisasyong kinasasapian.
Sa ilalim naman ng panukalang batas na Social Media Regulation Act, maglalagay ng age restriction o pagbabawal sa paggamit ng Social Media ng mga indibidwal na may edad 18 pababa. Oobligahin din nito ang mga platforms na magkaroon ng mahigpit na ID at facial verification para sa users nito.
Napakalaking kabalintunaan ang “pag-aalala” umano ni Lacson sa kabataang bulnerable sa cyberbullying, body image pressures, at online harassment gayong hindi naman nireresolba ng kaniyang batas ang mga problemang ito. Sa halip, ginagamit lamang itong tungtungan para gawing lehitimo ang malawakang censorship at surveillance at inaalis ang maliit na espasyo sa malayang pamamahayag ng sambayanang Pilipino. Dagdag na opensiba ito ng estado laban sa ating karapatan sa pribasiya at kalayaan sa malayang pamamahayag.
Layunin ng rehimeng US-Marcos II na supilin at payapain ang kabataang Pilipino. Binubuhusan nito ng tubig ang nag-aalab na militanteng pakikibaka ng sambayanan sa pangunguna ng mga kabataan laluna sa cybermedia. Sa pamamagitan ng lantarang panunupil, sistematikong kokontrolin ngayon ng pasistang estado ang opinyong publiko gamit ang media censorship at lulunurin sa fake news ang lahat upang hindi tumimo ang mga pahayag ng mga rebolusyonaryo, progresibo at kritika nito. Malinaw itong isang pasistang pag-atake sa karapatan sa pribasiya at pagbusal sa mamamayang masidhi ang galit sa malawakang korapsyong nagpapatuloy sa bagong taon at mismong pinamumunuan ni Marcos Jr.
Hinihikayat ng National Democratic Front-Batangas ang lahat ng mga Batangueño at mamamayang Pilipino na aktibong labanan ang draconian act ni Ping Lacson. Dugo at pawis ang ipinuhunan ng mga mamamayan nang kanilang pabagsakin ang diktadurang Marcos Sr. na nagbigay daan sa pagkakaroon ng kaunting demokratikong espasyo para sa malayang pagpapahayag at proteksyon ng mamamayan. Gawin ng mga demokratikong sektor ang lahat ng mga hakbanging ligal at meta-ligal upang pigilan ang pagsasabatas ng Social Media Regulation Act. Dapat lalung ipatambol at palaganapin ang pambansa-demokratikong rebolusyonaryong propaganda upang ipaunawa sa sambayanan ang katotohanan at rebolusyonaryong kalutasan sa kaapihan at kahirapang dinaranas sa ilalim ng bulok na sistemang pinaghaharian ng rehimeng US-Marcos II.
Social Media Regulation Act, Ilantad at Labanan!
The post Social Media Regulation Act ni Ping Lacson, pasistang panunupil sa karapatan sa pribasiya at pambubusal sa malayang pamamahayag ng mamamayan appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

