Samutsaring mga pasilidad ng Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Foreign Affairs (DFA) ang natuklasan ng mga migranteng Pilipino na ghost, hindi o tumigil nang gumana.
Sa Taiwan, inilantad ni Father Joy Tajonera, isang Pilipinong-Amerikanong misyonerong pari, ang kawalan ng shelter o pansamantalang tuluyan ng gubyernong Pilipino para sa mga inabusong migranteng Pilipino. Ito ay matapos sabihin ng DMW na may inilaang pondo para rito.
Ayon sa DMW, naglalaan ang ahensya ng P5 milyon kada taon para sa mga shelter sa Taiwan na pinatatakbo ng mga non-government organzation at ng ahensya. Ngunit ayon kay Tajonera, tumigil ang suporta para sa shelter na kanyang pinangangasiwaan, ang Bahay Ugnayan, simula 2022. Bago nito, nakakatanggap ang shelter ng $2,500 kada buwan sa pamamagitan ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) mula pa noong 2004. Napag-alaman din na naglaan ang ahensya ng P2.9 milyon para sa “MWO shelter” sa Taipei. Shelter ito na pinatatakbo diumao ng gubyerno ngunit kasalukuyang sarado. Kahit ang mga Pilipinong migrante ay hindi alam na mayroon ganitong pasilidad, ani Tajonera.
Maliban sa pondo at “ghost shelter,” marami pang tanong kung saan ginagastos ang pondo ng DMW. Kabilang dito ang tungkol sa planong pagtayo ng “OWWA Global Center”sa Neihu District sa Taipei. Ayon sa mga migrante, kwestyunable ang lokasyon dahil may kamahalan ang inuupahang espasyo ng mga ahensya. Ganito rin ang naging kwestyon sa pagtatatag ng naunang OFW Global Center sa United Center, Admiralty Building, isa sa may pinakamahal na espasyo para sa mga upisina sa Hong Kong. Ang global center ay inilakong pasilidad para diumano sa mga pagsasanay at pahingaan ng mga migrante. Sa halip na mapunta ang badyet para sa mamahaling pasilidad, sana ay inilaan ito para sa serbisyo at tulong para sa mga nangangailangan na migranteng manggagawa.
Sa US, kinundena ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-USA Washington ang ghost project ng Department of Foreign Affairs na Philippine Consulate sa Washington DC. Sa kabila ng nakalaan na pondong P83,732,000 milyon ($14 milyon) para sa taong 2025 at P88.9 milyon para sa 2026 para dito noong 2025 ay hindi parin mahanap kung nasaan ito o kung ano ang nangyari sa pondo.
Ayon sa grupo, matagal nang ay iginigiit ng komunidad ng mga Pilipino sa Washington ang pangangailangan na magkaroon ng serbisyong konsular sa syudad. Para matamasa ang serbisyo, kailangan pa magbyahe mula sa Washington at kalapit na syudad ang mga Pilipinong migrante at imigrante sa San Francisco City sa California. Noong 2022, naglunsad ng petisyon ang National Alliance for Filipino Concerns (NAFCON) para magkaroon ng permanenteng konsulado sa Washington State. Noong 2023 inanunsyo ng San Francisco Philippine Consulate General na magkakaroon na ng konsulado sa Washington. Ngunit matapos ang dalawang taon, wala pa ring konsulado sa naturang estado.
Dahil sa kawalan at halos pagkakait ng serbisyo ng konsulado at embahada ng Pilipinas para sa mga Pilipinong nangangailangan, inako ng komunidad at organisasyon ng mga Pilipino sa US ang pagprotekta at pagbibigay ng serbisyo, partikular para sa mga Pilipinong biktima ng iligal na detensyon ng ICE at kanilang pamilya. Tanong nila: Saan napunta ang pondo na Assistance to the Nationals (ATN) ng DFA?
Nananawagan ang Bayan USA sa DFA na maglabas ng buong ulat hinggil sa badyet para sa 2025 at 2026 at iskedyul para sa pagbubukas ng konsulado sa Washington. Dapat din ilantad ng ahensya ang halaga ng badyet para sa ATN. Nananawagan din ang grupo para kay Bernice Santayana ATN Officer ng SFPCG na bumaba sa pwesto at managot sa sadyang pagsasawalang bahala sa karaingan ng mga Pilipinong imigrante na pinangangasiwaan niya, pakikipagsabwatan sa ICE at pagbalewala sa kalusugan at kaligtasan ng mga Pilipinong nasa detensyon.
The post Ghost project ng DMW at DFA sa US at Taiwan, pinaiimbestigahan ng mga Pilipinong migrante appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

