Hindi na nakakagulat ang ibinalita kahapon na pagpatay ng tatlong miyembro ng CAFGU Active Auxiliary sa assistant detachment commander ng 80th IB sa Patrol Base sa Sityo Macaingalan, Barangay Puray, Rodriguez. Ang naganap na pagpatay noong Enero 20 ay patunay ng mersenaryo, bulok at marahas na kultura at tradisyon ng AFP-PNP-CAFGU na nagreresulta sa panloob na kaguluhan mismo sa hanay ng mga miyembro nito—kapwa upisyal at karaniwang kawal. Kung gayon ay hindi maiiwasang dumulo ang mga komprontasyon sa pag-abuso sa kanilang mga armas.

Notoryus ang 80th IB at CAFGU sa Barangay Puray sa kanilang paglalasing at pamamaril sa baryo. Katunayan, isa sa mga dinadaing ng mamamayan sa lugar at mga karatig barangay ang ugali ng mga sundalo ng 80th IB na mag-inuman at walang-patumanggang mamaril bilang bahagi ng kanilang kasiyahan. Noong 2024, may kahalintulad na ring lumutang na balita sa hanay ng mga residente na pamamaril ng miyembro ng 80th IB sa kapwa nilang sundalo sa mismong sentro ng barangay.

Simula’t sapul ay hinubog ang mga sundalo, pulis at CAFGU sa mga pagsasanay nila upang tanggapin at gamitin ang dahas, pag-abuso sa awtoridad at baluktot na disiplina upang maging bulag na tagasunod sa paggawa ng pandarahas sa mamamayan. Biktima ng ganitong mga kalakaran ang mga nagsasanay na isinasailalim sa pyudal na hazing, mga ganap na miyembro ng pasistang hanay na patuloy na nakakaranas ng pang-aalipin at hindi pantay na karapatan, at higit sa lahat, ang karaniwang mamamayan na walang kalaban-laban o awtoridad sa kanilang karahasan at perwisyo.

Bukod sa paglalasing at nagkakailang kaso ng walang-patumanggang pamamaril, kasama sa listahan ng mga pamemerwisyo ng 80th IB sa mamamayan ng Rodriguez pa lamang ang pag-istasyon sa paaralan at panggugulo nila sa klase ng mga bata sa Sityo Kwinaw ng Barangay Puray, at ang magtatatlong taon nang pag-istasyon sa kalapit ng mga bahay sa Sityo Ilas ng parehong barangay. Malala pa rito ang mga krimen tulad ng bantang pambobomba noong Abril 2023 at ang dinulot na takot at pagkamatay ng sibilyan dulot ng walang patumanggang pambobomba sa parehong panahon sa Barangay Mascap.

Nananawagan kami sa mamamayang Rizaleño na magkaisa at palakasin ang pakikibaka upang palayasin ang 80th IB sa Rizal. Mahaba na ang listahan ng mga kasalanan ng pasistang tropa hindi lamang sa Barangay Puray o sa Rodriguez kundi sa buong probinsya at tiyak, sa buong bansa. Dapat nang kumilos upang hindi na madamay ang mga sibilyan sa mga ganitong kaso ng pamamaril, at ipatigil ang pagiging mismong target ng mga sibilyan ng karahasan ng 80th IB, PNP-Rizal at CAFGU.

Samantala, nananawagan din kami sa hanay ng CAFGU na talikuran na ang kinamumuhiang hanay ng reaksyunaryong tropa ng AFP-PNP-CAFGU. Kung nais ninyong tunay na maglingkod sa bansa, piliin ninyo ang tanging hukbo na mahaba ang kasaysayan sa pagtatanggol sa interes ng masa, nagtatamasa ng demokrasya sa loob ng hanay at may bakal na disiplinang nagpapatibay ng ugnayan nito sa mamamayan–ang New People’s Army.

The post Pagpatay ng 3 miyembro ng CAFGU sa upisyal ng 80th IB, patunay ng kabulukan sa pasistang tropa appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.