Kinundena ng Tanggol Migrante Movement- Chicago ang lihim na pagdeport ng Immigration and Customs Enforcement (ICE) kay “Tita Rebecca,” isang imigranteng Pilipina, mula sa US noong Enero 8. Bago nito, dalawang beses tinangka ng ICE na ipadeport siya ngunit hindi natutuloy dahil sa kawalan ng deklarasyon na siya ay medically fit o kakayanin ng katawan niya ang magbyahe. Natuloy ang deportasyon sa ikatlong pagkakataon na hindi pinaalam sa kanyang pamilya.
Ayon sa pamilya, itinangging ibunyag ng Philippine Consulate General (PCG) at ng ICE ang impormasyon tungkol sa kanyang byahe, kung kailan at saan siya ibabyahe at istatus ng kanyang kalusugan. Palusot ng PCG na tumigil ang ICE na magbigay ng impormasyon hinggil sa deportasyon.
Paniniwala ng pamilya, sadyang hindi sila binigyan ng impormasyon ng ahensya sa kabila ng ilang beses nilang paghingi ng impormasyon. Dapat sana ang PCG ang maggigiit sa ICE para magbigay ng impormasyon bilang bahagi ng tungkulin nito,pero lagi itong tumatanggi na ipagtanggol ang mga Pilipino.
Kalaunan, hindi na rin nagbigay ng impormasyon ang PCG hinggil sa kalagayan ni Tita Rebecca sa kanyang pamilya. Hindi bababa sa walong beses inilipat siya sa iba’t ibang pasilidad ng ICE hanggang sa tumigil siya sa isang pasilidad na para sa mga kalalakihan sa Clay County, Indiana at pinailalim sa solitary confinement.
Ayon sa TMM malinaw na ang paglilihim ng PCG at ICE ay pagganti ng mga ito dahil sa pagpigil ng komunidad sa deportasyon ni Tita Rebecca at paggigiit na mabigyan siya ng akma na medikal na serbisyo.
“Ang PCG at ang embahada ng Pilipinas ay may responsibilidad sa kanilang kababayan na tiyaking na nakukuha nila ang kanilang pangangailangan at na makakauwi sila ng may sapat na rekurso,” paliwanag ng TMM.
Nananawagan ng TMM sa PCG na maglabas ng pahayag na humihingi ng paumanhin hinggil sa kanilang kapabayaan sa kalagayan ni Tita Rebecca at mabigyan siya ng akma at sapat na serbisyong medikal sa Pilipinas.
The post Pilipinang imigrante, lihim na pinadeport ng ICE mula sa US appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

