Bakit hanggang 10 araw lang kayang iempleyo ng lokal na gubyerno (LGU) ng Northern Samar ang mga kabataan, solo parents at persons with disability (PWD) sa halagang ₱500 kada araw, habang nakapagbayad ito ng mahigit ₱10 milyon para sa buwanang honorarium ng mga kwestyunableng “consultant” noong 2024?

Ipinagmalaki kamakailan ng gubernador na si Harris Ongchuan kasama ang DOLE-Northern Samar at ng pinsan niyang kongresista na si Edwin, ang isang programa kung saan nabigyan umano ng trabaho ang 268 indibidwal sa iba’t ibang klerikal at temporaryong gawain sa mga upisina ng prubinsya sa loob ng 10 araw nitong Enero.

Bawat isang “benepisyaryo” ay binayaran lang ng ₱5,000 o ₱500 kada araw, bahagyang mas mataas sa minimum wage sa rehiyon na ₱470 at wala pang kalahati ng nakabubuhay na arawang sahod na ₱1,200. Kabilang sa mga inempleyo nila ang mga gradweyt ng education, agriculture at accounting, mga solo parent at PWD.

Ang mga “short-term job” na ito ay kulang, hindi permanente, at mababa magpasahod. Limos na naman ang pinaambon ng gubyerno sa mamamayan imbis na punan nito ang kakulangan sa mga guro, magbigay ng permanenteng trabaho sa mga gradweyt ng kolehiyo, at magbigay ng sapat na suportang pinansyal sa mga bulnerableng sektor.

Kung tutuusin, ang pinasahod ng LGU ay galing din naman sa buwis na kinukuha ng gubyerno mula sa mamamayan. Pero barya lang ang kayang iabot ng LGU at hindi kayang magbigay ng disente at permanenteng trabaho sa mga bagong-gradweyt at pinaka-nangangailangan.

Samantala, kaduda-duda ang pagkuha ng Northern Samar LGU noong 2024 sa 29 na “consultant” na binayaran ng kabuuang ₱10.8 milyon, ayon sa report ng Commission on Audit (COA). Hindi umano dumaan sa tamang proseso o naging transparent (bukas) ang LGU sa pagkuha ng mga “consultant,” at hindi natitiyak na talagang kailangan ang serbisyo nila.

Ayon sa COA, isang “consultant” para sa “local road management and infrastructure” ang binayaran ng LGU ng buwanang honorarium na ₱70,000 (₱2,333/araw sa 30 araw), apat na “medical consultant” ang binayaran ng ₱60,000 (₱2,000/araw), habang isang consultant para sa “tourism marketing” ang binayaran ng ₱40,000 (₱1,333/araw).

Kabilang sa mga naging gawain umano ng ilan sa mga “consultant” ay “co-ordinate the official FB Page,” “administer the official FB Page…” at “perform other functions as may be assigned,” na hindi naman nangangailangan ng serbisyo ng mga “consultant.”

Kapuna-puna rin ang pagtatanggol ng LGU sa pagkuha sa nasabing mga “consultant” bilang “confidential” o sikreto, na para bang hindi ito obligadong iulat sa mamamayan ang pinaggagastusan ng pera nila. Aprubado rin umano ang mga “consultant” ni Gov. Harris Ongchuan mismo na siyang upisina kung saan nag-uulat ang mga “consultant.”

Sa harap ng mainit na isyu ng matinding korapsyon at pangungulimbat ng mga burukrata kapitalista sa pondo ng bayan, dapat maging mapagbantay ang mamamayan sa kung paano ito ginagamit ng mga lokal na gubyerno para sa kanilang kapakanan.

Hindi katanggap-tanggap ang ganitong walang habas na pagwawaldas sa milyun-milyong piso habang napakaraming kabataan at kapwa Pilipino ang araw-araw nagbabanat ng buto para lang may maipakain sa kanilang mga pamilya.

The post Northern Samar LGU, barya magpasahod para sa “short-term jobs” ngunit mahigit ₱10 milyon ang binayad para sa mga kwestyunableng “consultant” appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.