Nagpahayag ng pagkabahala ang Gabriela sa nagpapatuloy at tumitindi na mga kaso ng karahasan laban sa kababaihan at bata sa Pilipinas.
Pagbungad pa lamang ng taon, kaliwa’t kanan na ang mga balita ng mga kaso ng karahasan laban sa kababaihan at bata. Ayon sa grupo, ang mga bagong insidente na lumalaganap sa balita ay halimbawa ng mga kahindik-hindik na mga kaso ng epidemya. Kabilang dito ang kaso ng isang babae mula sa Bacolod na binaril ng kanyang live-in partner. Isa ay sinaksak ng kanyang asawa. Isang babae ang pinatay ng kanyang live-in partner at matapos patayin ay sinilid sa plastic storage box at tinapon sa isang ilog sa Camarines Norte. May kaso ng panggagahasa sa isang 13-anyos na babae sa Pasig at 15-anyos na babae sa Makati. May kaso ng pag-aresto sa assistant ng isang photographer dahil sa kaso ng acts of lasciviousness o panghihipo sa Muntinlupa. Mau imbestigasyon sa isang pampublikong guro sa Tondo dahil sa kaso ng pang-aabuso sa mga bata. May paggamit ng AI sa pang-aabuso sa mga babae at bata. Samantala, nagpapatuloy ang imbestigasyon sa isang pulis mula sa Maynila dahil sa kaso ng panggagahasa.
Ayon sa grupo, bawat balita ay kumakatawan ng isang buhay na nasira- sintomas ng isang malalim na nakaugat na patriyarkal at marahas na sistema. Nilalantad din nito na ang lipunan ay nasa krisis sa ilalim ng isang rehimen na palpak sa pagtaguyod sa karapatan ng mga kababaihan at pagprotekta sa pinakabulnerable.
“Ang mga insidente na ito ay di lamang basta sumusulpot nang walang dahilan. Resulta ito ng isang bulok na sistema na mababa ang pagpapahalaga sa kababaihan at bata, ginagawamg normal ang pagkamuhi sa kababaihan, at hinahayaan ang kawalang pananagutan na manaig, habang ang pera ng taumbayan na dapat ay ginagamit para sa pagprotekta at pagbigay ng serbisyo sa kababaihan ay nawawala lamang dahil sa korapsyon,” paliwanag ni Clarice Palce, pangkalahatang kalihim ng Gabriela. “Malinaw na ang karahasan laban sa kababaiha at bata ay nagpapatuloy at umiigting dahil sa kawalan ng pampulitikal na paninindigan ng estado na tanggalin ang mga ugat at magbigay ng agarang hustisya para sa mga biktima. Ang malala, ang estado mismo ang salarin sa mga karahasan.”
Nananawagan ang grupo sa lahat ng biktima at nakaligtas sa pang-aabuso na magsalita at sumama sa laban para sa karapatang ng kababaihan at bata.
“Nananawagan kami sa lahat ng kababaihan na magkaisa, mag-organisa at lumaban. Ang ating kolektibong boses ay ang ating pinakamalakas na sandata. Dapat tayong magtulungan at lumaban para sa isang lipunan na malaya ang mga kababaihan at bata mula sa takot at karahasan,” pahayag ni Palce.
The post Epidemya ng karahasan laban sa kababaian, nakakabahala—Gabriela appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

