Nagprotesta ngayon araw, Enero 19, ang mga myembro ng Piston sa harap ng Department of Transportation (DOTr) para muling igiit ang agad na pagbabasura sa huwad na Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program at pagbabalik sa 5-taong indibidwal na prangkisa. Kasabay ng pagkilos ang mass filing para sa renewal ng mga indibidwal na prangkisa ng mga drayber at opereytor na hindi pumailalim sa pagkonsolida.
Sa taya ng Piston, humigit-kumulang 500,000 tsuper at operator ang nawalan na ng kabuhayan dahil sa palpak na “modernization” program.” Bago ang modernisasyon, may 300,000 PUJs sa buong bansa. Ngayon, nasa 128,000 na lamang ang mga namamasadang dyip, ayon sa mismong DOTr.
“Palpak ang programa, dahil winasak nito ang suplay ng transportasyon,” ayon sa Piston. Dagdag dito ang pagkabaon sa utang ng mga drayber at opereytor dulot ng pagbili nila ng napakamamahal na yunit ng minibus na ipinampalit sa mga dyip. Maraming mayor na mga kooperatiba ang nagsara na o limitado na ang operasyon. Tinawag ng Piston ang huwad na programa bilang “kumunoy ng utang.”
“Umamin na mismo si Vince Dizon at si Marcos Jr. na palpak ang modernization. Pero itinuloy pa rin nila, dahil hawak sila ng interes ng mga dayuhang auto manufacturer at mga nais magmonopolyo ng sistema ng transportasyon,” pahayag ng grupo.
Ang protesta ay pagtuligsa rin sa estadong patuloy na sumisira sa kabuhayan at serbisyo natin sa mamamayan, ayon sa Piston. Nanawagan ang grupo sa lahat ng mga di nagpakonsolida, sa mga napilitan magpa-consolidate at gusto nang tumiwalag sa mga peke at tiwaling kooperatiba nila na lumapit sa Piston para makasama sa mass filing.
The post Mass filing para sa indibidwal na prangkisa, isinagawa ng Piston appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

