Sa bisa ng utos ng Department of Environment and Natural Resources-Mines and Geosciences Bureau-Region V (DENR-MGB V) na inilabas noong Enero 9, pinatitigil ng Camarines Norte Environmental Response Unit (CNERU) ang lahat ng operasyon ng Yinlu Bicol Mining Corporation at opereytor nitong Norteeste Corporation sa Jose Panganiban, Camarines Norte noong Enero 16.

Alinsunod sa kautusan, napatunayan na patuloy ang pagmimina ng kumpanya sa kabila ng kawalan nito ng Work Program at Environmental Compliance Certificate. Dahil dito, kinansela ng ahensya ang permit ng kumpanya para maglipat at mag-eksport ng mineral, na nakatakda sanang magbyahe ng 55,000 metriko tonelada ng iron ore na dadalhin sa China para sa kumpanyang Shandong Xinhai Mining Technology & Equipment Inc.

Napatunayan ng MGB na iligal na naghuhukay ng open-pit na minahan sa Barangay Larap, Jose Panganiban ang kumpanya. Dagdag dito, nakita din ng ahensya na gumawa ng maliit na pantalan ang Yinlu sa Barangay Larap nang walang pahintulot mula sa Philippine Ports Authority. Binalewala rin ng kumpanya ang nauna nang inihain na kautusan na pagtigil sa operasyon noong Oktubre 30, 2024.

Ang lupa na ginamit para sa pagbuo ng maliit na pantalan ay hinukay mula sa mataas na bahagi ng barangay nang wala ring permiso mula sa mga upisyal ng barangay. Dagdag dito, lubos na naapektuhan kabuhayan ng mga mangingisda dahil sa pagbulabog sa karagatan.

Bago nito, nanawagan si Senador Kiko Pangilinan ng imbestigasyon hinggil sa iligal na pagmimina ng Yinlu sa prubinsya.

Ang Yinlu Bicol Mining Company ay tinukoy bilang isa sa pangunahing pamumuhunan sa pagmimina ng mga Chinese sa Pilipinas noong 2012. May ari din ang kumpanya ng lupa sa Barangay Larap, Jose Panganiban na binili noong 2007 mula sa Manila Banking Corporation at Banco De Oro.

The post Operasyon ng kumpanya sa pagmimina sa Camarines Norte, pinatitigil appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.