Mariing kinundena ng Bagong Alyansang Makabayan ang Acquisition and Cross-Servicing Agreement (ACSA) na pinirmahan sa pagitan ng Pilipinas at Japan noong Enero 15. Itinaon ang pagpirma sa bisita ni Toshimitsu Motegi, ministro sa foreign affairs ng Japan, sa Maynila. Isinabay dito ang pagbibigay ng Japan ng limos na ₱341 milyon sa Armed Forces of the Philipppines.

Tinawag ng Bayan ang ACSA bilang “paglalim ng imperyalistang adyenda sa Pilipinas.” Ang pagpupulong sa pagitan ng Motegi at ng kalihim ng Department of Foreign Affairs ng Pilipinas na si Ma. Theresa Lazaro sa ilalim ng kunwa’y “Strengthened Strategic Partnership,” ay “walang iba kundi ang lantarang pagkaladkad sa mamamayang Pilipino sa panunulsol ng US-Japan sa South China Sea at West PHilippine Sea,” anito.

“Hindi ito (ACSA) pagtutulungan ng mga bansang may pantay na katayuan kundi pagtatali sa Pilipinas sa tulak ng Tokyo na muling magmilitarisa at sa estratehiyang Indo-Pacific ng Washington na naglalayong palibutan ang China,” ayon sa Bayan.

Ang karagatan ng Pilipinas ay para sa mga Pilipino, at hindi para sa mga nag-uunahang mga imperyalista, anito.

Pinahihintulutan ng ACSA ang Japan na maglagak ng pagkain, panggatong, ammunition at iba pang lohistika para sa sarili nitong mga pwersa habang nasa Pilipinas para sa mga war games at iba pang aksyong militar sa ngalan ng disaster response at humanitarian assistance. Karugtong ang kasunduan sa Reciprocal Access Agreement (RAA) na nagpapahintulot sa pamamalagi ng mga tropang Japanese sa bansa. Niratipikahan ang RAA ng Senado ng Pilipinas noon pang 2024 at nagkabisa noong kalagitnaan ng 2025.

Kasabay ng pirmahan ng ACSA ang paglilimos ng Japan ng ₱341 milyon na Official Security Assistance o ayudang militar para sa AFP. Nakalaan ang pondo para sa konstruksyon ng silungan ng mga bangka at daungan ng mga rigid-hulled inflatable boat (RHIB), ang tipo ng sasakyang pandagat na ginagamit sa pagpapainit sa tensyon sa pagitan ng mga pwersang Pilipino at Chinese sa mga pinag-aawayang teritoryo sa South China Sea.

Liban pa rito ang ₱617 milyong ayuda para diumano sa pagtatayo ng imprastruktura pantelekomunikasyon sa rehiyon ng Basilan, Sulu, and Tawi-Tawi (BaSulTa) .

Mahigpit na tinututulan ng Bayan ang ACSA at RAA, at iba pang mga tagibang na kasunduang militar tulad ng EDCA at VFA sa pagitan naman ng Pilipinas at US. Anito, ginagawa ng dalawang imperyalistang bansa bilang “forwad base ng agresyon” ang Pilipinas.

Ayon sa Bayan, hindi pumapayag ang mamamayan na maging pambala ng kanyon ang bansa sa mga giriin ng mga imperyalista.

The post Pinakabagong kasunduang militar sa pagitan ng Pilipinas at Japan, kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.