Sinampahan ng mga kasong sedisyon, pang-uudyok ng sedisyon at paglabag sa Cybercrime Law ng rehimeng Marcos ng Philippine National Police, ang pangulo ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) na si Renato Reyes Jr. Iniulat ni Reyes Jr na ipinatawag siya ng Department of Justice (DoJ) noong Enero 15, at muli sa Enero 29, para sa paunang imbestigasyon sa naturang mga reklamo.
Ang mga kasong kinahaharap niya ay may kaugnayan sa mga protestang kontra korapsyon at komprontasyong naganap sa Mendiola noong Setyembre 21, 2025. Ayon kay Reyes Jr, ang mga kasong ito ay purong ibinatay lamang sa pagdalo niya sa protesta sa araw na iyon at dahil isa siyang kilalang aktibista.
“Tahasang kasinungalingan ang mga paratang sa akin, at ang mga bintang ng sedisyon ay ganap na gawa-gawa lamang,” aniya. Nakatitiyak umano siyang mabibigo ang pinakabagong kaso ng panggigigpit na ito laban sa kanya at sa buong kilusang masa.
Liban kay Reyes Jr, may naiulat nang dalawang kabataan na nakatanggap ng subpoena mula sa DoJ kaugnay ng katulad na mga kaso. Isinumite ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang naturang mga reklamo sa DoJ noong Oktubre 2025.
Mayroong 97 hindi pinangalanang indibidwal ang sinampahan ng PNP-CIDG ng reklamong konspirasiya o panukalang maglunsad ng rebelyon o insureksyon, sedisyon at pag-uudyok ng sedisyon. Ipinagyabang noon ng mga upisyal ng PNP na paunang serye pa lamang ang pagkakaso at nakatakda pa ang ikalawang serye.
Ayon kay Reyes Jr, lubhang nakababahala ang paghahasik ng takot at pagtarget ng PNP sa buong kilusang kontra korapsyon sa bansa. Naghahatid umano ng malinaw na babala ang rehimeng Marcos at PNP sa mga nangangahas magsalita at tumindig—na sila ay uusigin at sasampahan ng mga kasong kriminal.
“Ang pasistang atakeng ito ay naglalayong pahinain ang loob ng publiko na lumahok sa kilusang mgpapanagot sa mga korap na upisyal at sa bulok na sistema,” dagdag niya. Binigyang pansin niya ang partikular na pagtarget ng rehimen sa mga lider estudyante na silang pinakamalakas ang boses ngayon laban sa korapsyon ng rehimeng Marcos.
Sa kabila ng panunupil, nagpahayag ng tiwala si Reyes Jr na hindi nito mapipigilan ang mamamayan sa paniningil at patuloy na protesta laban sa sistemikong pandarambong sa pondo ng baan. “Ang panunupil ay higit lamang nagbibigay ng dahilan sa mamamayan na makibahagi sa sama-samang pagkilos,” aniya.
Nagpahayag ng suporta kay Reyes Jr ang mga alyadong organisasyon ng Bayan. “Nananawagan kami sa mga kapwa naming manggagawa at kababayang sukang-suka na sa korapsyon, abuso sa kapangyarihan, at kawalang-pananagutan: suportahan natin si Kasamang Nato, ang mga lider-estudyante, at ang iba pang lumalaban sa korapsyon na sinasampahan ng gawa-gawang kaso!” pahayag ng Kilusang Mayo Uno, isa sa mga organisasyon sa ilalim ng Bayan.
The post Pangulo ng Bagong Alyansang Makabayan, sinampahan ng reklamo ng sedisyon sa DoJ appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

