Tinuligsa ng isang grupo ng kabataan ng Ateneo High School ang field trip ng mga estudyante sa mga kampo militar ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ngayong araw, Enero 16. Dinala ng militar ang mga estudyante ng Grade 11 sa Naval Station Pascual Ledesma at Naval Base Heracleo Alano sa Cavite City.

Ayon sa Makabayang Pagkakaisa ng mga Atenista-High School (MAPA-HS), hindi ito ang unang pagkakataon kung saan nakatuwang ng Ateneo High School ang AFP para sa mga field trip. Noong 2024, dinala naman ng AFP ang mga estudyante ng hayskul sa Camp Capinpin, hedkwarters ng 2nd ID, sa Tanay, Rizal.

Nagpahayag ng lubhang pagkabahala ang MAPA-HS sa mga field trip na ito laluna at sinabi nitong ginagamit ng AFP ang mga kampo militar sa iligal na detensyon sa mga aktibista at iba pang sibilyan.

Dagdag ng grupo, maliban sa mga field trip ay naging laganap rin ang mga programa at porum sa kampus kaugnay ng “anti-terror grooming” o mga talakayan na sinasabing pangkontra sa radikalisasyon at paghahanda sa terorismo. Ayon sa MAPA-HS, ang mga talakayang ito ay bantog na mga argumento ng mga pwersa ng estado tulad ng AFP at National Task Force-Elcac na ginagamit para bansagang terorista ang mga organisasyong masa at progresibong indibidwal.

Anang grupo, dapat ring pansinin na ang field trip ay isinagawa ilang linggo lamang matapos ang marahas at brutal na pambobomba ng AFP sa mga komunidad sa Barangay Cabacao, Abra de Ilog, Occidental Mindoro noong Enero 1. Sa ulat ng Karapatan-Southern Tagalog, hindi bababa sa apat na indibidwal, kabilang ang tatlong batang Mangyan-Iraya, ang naiulat na namatay sa pambobomba.

Ayon sa MAPA-HS, dapat ikansela ang lahat ng aktibidad ng Ateneo na may kaugnayan sa militar sa harap ng mga pangyayaring ito. Sa ganitong paraan lamang maipanunumbalik ang paninindigan ng Ateneo para sa akademikong kalayaan at hustisyang panlipunan, ayon sa grupo.

Ang panawagang ito ng grupo ay ilang araw lamang matapos ang protesta ng mga estudyante ng Ateneo de Manila University (ADMU) para ibasura ang deklarasyon ng kooperasyon ng ADMU at AFP. Muli itong inihayag ng grupong One Big Fight for Human Rights and Democracy (OBFHRD) sa isang pagkilos sa kampus sa Quezon City noong Enero 8.

Ang naturang deklarasyon ay pinirmahan ng ADMU kasama ang AFP noong Setyembre 19, 2025. Ayon sa OBFHRD, ang deklarasyon ay labag sa mga prinsipyo ng demokrasya at akademikong kalayaan. Dagdag nito, malinaw na bahagi ang panghihimasok ng AFP sa kampus ng National Action Plan for Unity, Peace, and Development (NAP-UPD) ng rehimeng Marcos na mahigpit na kaugnay ng kampanyang kontra-insurhensya.

The post Field trip ng Ateneo High School sa mga kampo militar ng AFP, binatikos ng mga kabataan appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.