Tahasang sinupil ng Department of Labor and Employment (Dole) ang karapatang magwelga ng kaguruan at empleyado ng Centro Escolar University (CEU) sa paglalabas nito ng assumption of jurisdiction o AJ noong Enero 13. Sa araw na iyon, nakatakdang iputok ang welga sa unibersidad sa pangunguna ng CEU Faculty and Allied Workers Union (FAWU) dahil sa deadlock sa negosasyon sa collective bargaining agreement (CBA) 2025-2030.

Sa bisa ng AJ, pinagbawalan ang welga at inatasan ang mga guro at empleyado na bumalik sa trabaho. Kung susuwayin ang atas ng Dole, maaari silang matanggal, masampahan ng kasong kriminal o tahasang supilin at marahas na buwagin ng mga pulis at militar ang kanilang welga.

Lubhang ikinadismaya ng CEU FAWU ang paglalabas ng AJ ng Dole. Bilang tugon, nanawagan ang unyon sa mga myembro nito sa mga kampus sa Maynila, Makati at Malolos na malawakang lumahok sa araw-araw na sama-samang pagkilos sa porma ng prayer vigil sa CEU Manila. “Ipagpapatuloy natin ang laban sa kabila ng ipinataw na AJ ng Dole,” anang unyon.

Kinundena ng Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR) ang Dole at kalihim nitong si Bienvenido Laguesma sa paglalabas ng AJ. “Paano epektibong maipaglalaban ng mga manggagawa ang kanilang karapatan sa paggawa kung ang welga, na isa sa kanilang pinakamatalas na armas sa pagsusulong ng kanilang mga karapatan, ay parati na lamang sinasagkaan ng gubyerno?” pahayag ng CTUHR.

Muling nanawagan ang grupo na ibasura ang kapangyarihan ng kalihim ng Dole na akuin ang hurisdiksiyon sa mga sigalot sa paggawa. Anito, ang kapangyarihang ito ay labis-labis ang saklaw na sumusupil sa karapatan ng mga manggagawa na magwelga at pinahihina ang kanilang karapatan na kolektibong pakipagnegosasyon sa kapitalista.

Makatarungang panawagan

Sa negosasyon para sa CBA, itinutulak ng CEU FAWU na bigyan ang kaguruan at mga empleyado ng ₱2,500 dagdag sweldo, health card, mga benepisyo sa pagreretiro, signing bonus, mas mataas na tulong pinansyal na pangkalamidad, emergency financial assistance at iba pang benepisyo. Sa mga ito, tanging ₱650 across the board na pagtaas sa sweldo at kakaunting benepisyo ang iniaalok ng pamunuan ng unibersidad batay sa huling pagpupulong noong Enero 12.

Noong Setyembre 2025 pa humantong sa deadlock o hindi pagkakasundo sa negosasyon ang pamunuan ng CEU at unyon. Dahil dito, nagsampa ang unyon ng Notice of Strike sa National Conciliation and Mediation Board (NCMB) noong Oktubre 2025 at bumoto noong Disyembre 2025 ang 368 unyonista pabor sa pagwewelga.

“Sa kabila ng malinaw at makatwirang paninindigan ng mga myembro ng Unyon ay nananatiling bingi ang pamunuan sa mga lehitimong hinaing ng mga guro at kawani ng Centro Escolar University,” pahayag ng CEU FAWU. Dagdag nito, ang kawalan ng anumang kongkretong alok mula sa administrasyon ay malinaw na pagwawalang-saysay sa mga sakripisyo, dedikasyon, at serbisyong patuloy na ibinibigay ng kaguruan at empleyado sa pamantasan at sa mga mag-aaral.

Muling maghaharap ang mga kinatawan ng unyon at pamunuan ng CEU sa darating na Enero 19 sa pambansang upisina ng Dole sa Intramuros sa Maynila.

Nanawagan ang CTUHR sa pamunuan ng CEU na igalang ang karapatan ng mga guro at empleyado nito. “Mayroong tungkulin ang CEU na itaguyod ang karapatan sa paggawa ng mga guro at empleyado nito, para sa mga estudyante at para sa pagpapaunlad ng edukasyon sa kolehiyo sa pangkabuuan,” anang grupo.

The post Welga sa CEU, sinupil ng ‘assumption of jurisdiction’ ng Dole appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.