Muling ginigipit ng rehimeng Marcos ang mamamahayag pangkampus ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) na si Jacob Baluyot. Noong Enero 15, humarap si Baluyot sa Department of Justice (DoJ) para sa paunang imbestigasyon sa mga paratang ng sedisyon at pang-uudyok ng sedisyon. Si Baluyot ay associate editor ng The Catalyst at pambansang tagapangulo ng Alyansa ng Kabataang Mamamahayag (AKM) PUP.
Ang pagpapatawag o subpoena ay natanggap ni Baluyot noong Enero 14 ng hapon. Muli siyang pinahaharap para sa ikalawang bahagi ng imbestigasyon sa Enero 29.
Bilang suporta kay Baluyot sa kanyang pagharap sa DoJ, nagprotesta ang The Catalyst, pahayagang pangkampus ng PUP, at mga progresibong grupo sa labas ng upisina. Isang hiwalay na rali rin ang inilunsad nila sa kampus ng PUP sa Sta. Mesa.
“Ang kapal ng mukha ng gubyerno ni Bongbong Marcos na sampahan si Jacob ng kasong sedisyon, gayong sila ang primaryang traydor sa sambayanang Pilipino,” pahayag ni Maxene Marcelo, punong patnugot ng The Catalyst. Dagdag niya, tiyak siyang hindi si Baluyot ang magiging huli sa mga tutugisin at gigipitin ng rehimeng Marcos.
“Hindi ito ang punto upang maparalisa. Bagkus, katulad ni Jacob, at ng lahat ng mga binibiktima ng pamamasista ng estado, mas ngayon dapat tayong kumilos,” dagdag ni Marcelo.
Walang-lubay na panggigipit ng estado
Ang imbestigasyon at kaso ay ikatlo na sa serye ng mga kasong kinaharap ni Baluyot mula noong Setyembre 2025. Nauna na siyang ipinatawag ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group para “imbestigahan” sa pangunguna sa mga protesta at nang tumanggi ay muling ipinatawag dahil sa “indirect contempt.”
Ang mga ito ay kaugnay ng sinasabing pamumuno at pagkakasangkot ng mga lider-kabataan sa mga protestang kontra korapsyon laluna noong Setyembre 21, 2025 sa Luneta Park at Mendiola sa Maynila. Si Baluyot at mga kapwa niya mamamahayag ay nasa mga protestang kontra korapsyon para gampanan ang kanilang tungkulin bilang mamamahayag pangkampus.
Nauna nang nanindigan ang The Catalyst, AKM PUP at College Editors Guild of the Philippines laban sa mga kasong ito. Anila, banta ang mga ito sa kalayaan sa pamamahayag at pakikilahok sa mapayapang pagkilos.
Liban kay Baluyot, naging target ng panggigipit ng PNP at rehimeng Marcos sina UP-Diliman University Student Council Chairperson Joaquin Buenaflor, PUP Central Student Council President Tiffany Brillante at organisador ng Kalayaan Kontra Korapsyon at estudyante ng DLS-CSB na si Aldrin Kitsune.
Ayon sa Sandigan ng Mag-aaral para sa Sambayanan PUP, ang panggigipit kay Baluyot ay malinaw na atake ng estado sa mga kabataang lumalaban at humihingi ng hustisya sa korapsyon. “At habang hindi pa rin napapanagot ang lahat ng sangkot sa korapsyon mula kina Marcos Jr at Duterte, tuloy-tuloy na kikilos ang mga Iskolar ng Bayan,” ayon sa alyansa.
The post Mamamahayag pangkampus ng PUP, ginigipit sa kasong sedisyon, pang-uudyok ng sedisyon appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

