Isiniwalat kamakailan ng Commission on Audit (COA) ang di pagbabalik ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ng di nagamit na pondo at paglagak nito sa di awtorisadong mga bank account na hawak ng mga upisyal militar.
Batay sa ulat ng COA, may hawak na anim na “di awtorisado” na bank account ang AFP na may balanseng ₱72.86 million. Ayon sa COA, dapat ibinalik ng AFP ang pondong ito sa Bureau of Treasury (BTr). Ang lamang pera ng mga bank account ay mga di nagastos o ipinamahaging pondo para sa AFP Medical Center (₱68.167 milyon); Presidential Security Command (₱4.358 milyon); at Eastmincom (₱335,386.40). Inatasan na ang AFP na isara ang mga bank account noon pang Disyembre 2022 at ibalik ang pondo sa BTr, alinsunod sa batas. Hindi ito ginawa ng AFP.
Samantala, siningil ng COA ang AFP General Headquarters sa ₱201.86 milyon pondong “unliquidated,” o mga nagastos na walang isinumiteng ulat, para sa taong 2024. Ayon sa COA, may bahagi ang pondong ito na unliquidated mula pa 1981 o 43 taon na mula nang ginastos.
Hindi bago ang mga iregularidad ng mga iligal na bank account at unliquadated na pondo sa AFP.
Noon lamang 2021, binatikos na rin ng COA ang pagmamantine ng AFP ng 20 iligal na bank account na may lamang ₱1.813 bilyon. Malaking bahagi nito (₱1.346 bilyon) ay nakalaan para sa AFP Modernization Act Trust Fund-Central Office. Hinawakan ng mga heneral ng AFP ang pondo kahit dapat na ibinalik ang mga ito sa pambansang pondo.
Ang hindi pagbabalik ng di nagamit na pondo ay maaring maging basehan ng pagtanggi ng COA na maglabas ng pondo para sa AFP (disallowance), mga sangsyong administratibo o pagsasampa ng kasong kriminal tulad ng malversation o technical malversation sa mga sangkot na upisyal militar.
The post Mga anomalya sa AFP, tinukoy ng COA appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

