Nagrali ang mga progresibong grupo at tagapagtanggol ng karapatang-tao sa Cebu City noong Enero 10 para muling manawagan ng hustisya at pananagutan sa pagdukot ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga aktibistan sina Dyan Gumanao at Armand Dayoha. Isinagawa nila ang protesta sa harap ng hedkwarters ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Visayas Command.

Kasama sa nagrali sa harap ng kampo militar sina Dayoha at Gumanao. Lubha silang dismayado sa kawalang kinahahantungan ng mga imbestigasyon ng Commission on Human Rights kahit pa direkta nitong natukoy ang pagkakasangkot ng mga yunit ng AFP sa pagdukot.

Sa protesta, kinundena ni Dayoha ang pagtatatag ng Cebu Provincial Task Force-Elcac noong Disyembre 2025 sa atas ni Gov. Pam Baricuatro. Aniya, gagamitin lamang ito para palubhain ang malaon nang umiiral na Red-tagging, panghaharas at pag-atake ng mga pwersa ng estado sa mga aktibista.

Pagdukot sa gitna ng maraming saksi

Dinukot noong Enero 10, 2023 sa Cebu Port at limang araw na itinago ng mga pwersa ng estado ang mga aktibistang sina Gumanao at Dayoha. Si Gumanao ay koordineytor ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) para sa Rehiyon 7 habang si Dayoha ay boluntir para sa balangay ng Alliance of Health Workers (AHW) sa Cebu. Kapwa sila gradweyt ng University of the Philippines (UP)-Cebu.

Sa mga bidyo na lumabas kaugnay sa pagdukot, kitang-kita ang pagpigil at sapilitang pagpasok sa dalawang aktibista sa isang sasakyan sa kabila nang maraming tao sa paligid. Isinakay sila sa isang gray na SUV na nakaparada sa parte ng daungan na bawal ang mga pribadong sasakyan.

Ang dalawa ay natunton at nakauwi sa pamilya noong Enero 16, 2023. Sa salaysay ng ama ni Gumanao, kumontak noong Enero 15, 2023 ang kanyang anak at nagpapasundo sila sa Carmen, Cebu kung saan sila iniwan ng mga dumukot sa kanila.

Sa salaysay ni Gumanao at Dayoha, piniringan sila at pinaghiwalay ng kwarto para ipailalim sa interogasyon at tortyur ng mga ahente ng estado.

Ilang buwan makalipas ang insidente, napag-alaman mismo ng imbestigasyon ng CHR ang pgakakasangkot ng mga yunit ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) sa pagdukot sa dalawa. Hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring napapanagot sa krimen.

Independyenteng imbestigasyon

Muli namang nanawagan ang Karapatan-Central Visayas para sa independyenteng imbestigasyon sa pagdukot kina Dayoha at Gumanao, at sa iba pang mga kaso ng pagdukot at desaparesido sa bansa. Anito, ngayon ay hindi na lamang mga biktima sina Dyan at Armand kundi mga simbolo ng paglaban sa panunupil ng estado.

Sa ilalim ng rehimeng US-Marcos, mayroong hindi bababa sa 19 na desaparesidos o sapilitang iniwala. Sa talaan ng Ang Bayan, halos 300 ang biktima ng pagdukot ng mga pwersa ng estado kung saan ang iba ay inililitaw nitong patay, ikinukulong sa mga kasong kriminal o pinalalabas na mga “sumuko” na “dating rebelde.”

The post Pananagutan ng AFP sa pagdukot sa 2 aktibista sa Cebu, muling iginiit appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.