Ibinasura ng Branch 43, Regional Trial Court ng Oriental Mindoro ang kasong tangkang pagpatay na isinampa ng militar laban kay Reverend Glofie Baluntong ng United Methodist Church (UMC) noong Disyembre 8, 2025. Pinalalabas ng militar na naganap ang krimen na ito sa isang armadong engkwentro noong Marso 2021.
Bago nito, ibinasura na ng korte noong Oktubre 2025 ang kasong “terorismo” na isinampa rin sa kanya.
Ayon sa korte, hindi napatunayan ng nagsampa ng reklamo na tinamaan siya ng bala sa armadong engkwentro kung saan sinasabi niyang naroon si Baluntong. Pinangalanan lamang si Baluntong bilang suspek dahil nakalista siya sa ‘order of battle’ ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa panahong sinasabing naganap ang engkwentro, naghahandog ng misa para sa namatay na myembro ng UMC si Baluntog sa ibang lugar.
Kinundena ng UMC ang mga kasinungalingan ng sundalo na nagparatang kay Baluntong na myembro siya ng rebolusyonaryong kilusan.
Si Baluntong ay dating UMC District Superintendent sa distrito ng Oriental Mindoro-Romblon-Marinduque. Napilitan siyang umalis sa isla ng Mindoro dahil sa panggigipit at pagtugis ng AFP. Naging matindi ang galit sa kanya ng militar dahil sa pagbibigay ng sangtwaryo sa mga katutubong Mangyan na lumalaban para sa kanilang karapatan sa lupang ninuno at sa mga myembro ng Karapatan na naglulunsad ng fact-finding mission. Ilang beses din siyang pinaratangan na tumutulong sa rebolusyonaryong kilusan.
Nanawagan ang UMC sa gubyerno ng Pilipinas na itigil na nito ang pagsasampa ng gawa-gawang kaso laban sa mga taong simbahan na nagtataguyod lamang ng kapayapaan, karapatang-tao at hustisyang pangkalikasan. Nanawagan din ang simbahan para sa pagbasura sa Anti-Terror Law at pagbuwag sa National Task Force-Elcac, na ginagamit para tugisin ang mga kritiko ng estado.
The post Gawa-gawang kaso laban sa pastora ng UMC, ibinasura ng korte appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

