Sa likod ng paghahambog ng rehimeng Marcos kaugnay sa kalagayan ng ekonomya, nanatili ang matagalang problema ng mabagal na pag-unlad, kawalang trabaho, matataas na presyo na bilihin at iba pa.
Hindi maaabot ng rehimeng Marcos ang unang ambisyosong target nitong 6%-8% pag-unlad ng gross domestic product (GDP) para sa 2025, kahit pa ibinababa na ito tungong 5.5%-6.5% noong Hunyo 2025. Nag-abereyds lamang nang 5% ang unang tatlong kwarto ng taon, kung saan pinakamababa ang GDP growth sa ikatlong kwarto na nasa 4% lamang. Sa dulong bahagi ng 2025, inamin mismo ng Department of Economy, Planning, and Development na maaaring 4.8%-5.0% lamang ang ilalago ng GDP sa buong taon ng 2025. Mas mabagal ito sa tantos ng paglago ng GDP noong 2024 na 5.6%.
Isinisisi ng rehimen ang pagbagal ng paglago sa iskandalo mula sa pagkakasiwalat ng korapsyon sa mga proyektong flood control, laluna sa ikatlong kwarto. Pero ayon sa Ibon Foundation, ang pababang padron ng GDP ay nagsimula bago pa sumiklab ang galit sa korapsyon, at sa katunayan ay nagsimula noon pang 2017. Nagmukhang pataas lamang ang padron ng GDP dahil sa pagrebanse ng GDP matapos ang matinding pagbulusok ng ekonomya at produksyon sa panahon ng pandemyang Covid-19.
Bagsak ang tantos ng empleyo, ayon sa Ibon. Noong Nobyembre 2025, 277,000 manggagawa ang natanggal sa trabaho. Kahit sa lubhang pinaliit na datos ng estado, tumaas ang upisyal na tantos ng disempleyo mula 3.2% tungong 4.4%. Malayong mas mataas ang tunay na tantos sa disempleyo kung isasama ang 3.52 milyong “unpaid family worker” at milyun-milyong manggagawang di nakahahanap ng trabaho. Ang malala, 62% ng mga manggagawang itinuturing na “may trabaho” ay nasa mga sektor na di regular ang trabaho, tulad sa agrikultura, pagtitingi at serbisyo.
Sa harap ng paimbabaw na pagbagal ng implasyon, nananatiling lugmok sa kahirapan ang mga Pilipino. Maraming Pilipino ang nagtuturing sa kanilang mga sarili bilang mahirap, at 63% ang itinuturing ang kanilang sarili bilang “bulnerable.”
“Dahil lumala ang kawalan ng trabaho, hindi napigilan ng pagbagal ng implasyon ang pagdausdos sa hirap at gutom ng milyun-milyong Pilipino mula nang umupo ang administrasyong Marcos Jr,” ayon sa Ibon.
Walang nalikhang sapat na trabaho at di tumaas ang kita ng mamamayan para maramdaman nila ang pagbagal ng implasyon, anito.
“Kailangang nakaangkla ang mga trabaho sa paglawak ng pormal na industriya at tumataas na produktibidad para mabawasan ang kahirapan,” ayon sa Ibon.
The post Pababang padron ng ekonomyang Pilipino, lalala pa sa 2026 appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

