Marahas na itinaboy ng mga armadong tauhan ng Ta-ala Farms, Inc ang mga magsasakang benepisyaryo ng lupa sa Hacienda Michaela, Barangay Talotog, Murcia, Negros Occidental noong Enero 12. Habang nagtatrabaho sa sakahan, ginamitan ng backhoe ng naturang kumpanya ang lupain upang wasakin ang mga pananim at pilit na palayasin ang mga magbubukid. May ilang magsasakang nasugatan dahil sa pagpapaandar ng backhoe.

Kinundena ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP)-Negros ang karahasan laban sa mga magsasaka. Ayon sa grupo, lehitimo ang pag-aari ng mga magbubukid sa lupa dahil ito ay ipagkakaloob sa kanila sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ng gubyerno.

Ang lupa ay inaangkin ni Bonnie Ta-ala na may-ari ng Ta-ala Farms, Inc, isang manukan at itlugan. Sinasabi ng mga Ta-ala na ipinagbenta sa kanila ang naturang lupa ng dati nitong may-ari na si Arthur Bayona.

Ayon sa KMP-Negros, ang naturang lupa ay dating pag-aari ni Bayona ngunit matagal na niya itong iniwan at pinabayaan. Noong 2011, inireklamo rin ng mga magsasaka ang pang-aabuso ni Bayona sa mga manggagawang bukid tulad ng mababang pasweldo, kawalang benepisyo, at paggiba sa mga bahay.

Mula nang iwanan ni Bayona ang lupa, binungkal na ito ng mga magsasaka at mismong Department of Agrarian Reform (DAR) ang nagproseso nito para ibigay sa mga magsasaka. Gayunman, pinuna ng KMP-Negros ang kupad ng ahensya kung kaya’t kolektibo itong sinasaka ng mga benepisyaryo para ipagtanggol.

“Kwestyunable at iligal ang biglang pagbili at pag-angkin ng Ta-ala Farms, Inc. sa lupa dahil nakatakda itong ipamahagi sa mga tao,” pahayag ng KMP-Negros.

Ayon sa grupo ng magsasaka, naging pabaya ang DAR sa pagbigay ng seguridad sa mga magsasaka para mapasakanila ang lupa. “Sa halip ay naging instrumento para guluhin ang mapayapang pagbubungkal ng mga magsasaka sa kanilang sakahan,” anang grupo. Malinaw umanong pagpapakita ito sa kung sino ang pinapaburan ng DAR.

Nagpahayag ng suporta sa mga magsasaka ng Hacienda Michaela ang mga progresibong grupo at partido ng kabataan.

Inilarawan ng Anakbayan ang insidente sa asyenda bilang sabwatan ng estado at ng mga panginoong maylupa at malalaking interes. “Isang itong sistematikong pagsasamantala na umaasa sa dahas, pananakot, at panggigipit upang palayasin ang mga tunay na nagbubungkal ng lupa,” ayon sa grupo.

Dagdag ng grupo, ang nangyari ay hindi hiwalay na insidente kundi bahagi ng mas malawak na krisis sa kanayunan kung saan laganap ang kawalan ng tunay na reporma sa lupa, militarisasyon, at kultura ng impyunidad. “Patuloy [itong] nagtutulak sa mga magsasaka na lumaban,” pahayag ng Anakbayan.

Samantala, nanawagan ang Kabataan Party-list (KPL)-Negros sa DAR na kagyat na umaksyon at mapagpasyang ipatupad ang pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka. “Hindi dapat manatiling pasibong tagamasid ang DAR habang ang mga benepisyaryo ng repormang agraryo ay pinagbabantaan at pinalalayas sa kanilang lupa ng armadong mga tauhan sa kumikilos para sa interes ng mga korporasyon,” pahayag ni Florence Guzon, ikalawang pangulo para sa Visayas ng KPL.

The post Mga magsasaka sa isang asyenda sa Negros Occidental, marahas na pinalayas ng mangangamkam ng lupa appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.