Matapos ang limang taon sa kulungan, nakalaya ang bilanggong pulitikal na si Amanda Echanis noong Enero 14 matapos ipawalang-sala ng isang korte sa Cagayan. Si Echanis, organisador ng mga magsasaka at manunulat, ay inaresto ng mga pwersa ng estado noong Disyembre 2, 2020 sa Baggao, Cagayan sa kasong illegal possession of firearms and explosives.

Hinalughog ang bahay na tinutuluyan ni Echanis sa Barangay Carupian kung saan sinabi ng mga pulis na natagpuan nila ang isang M16, mga bala at isang granada. Kaagad siyang inaresto noon kasama ang bagong silang niyang anak.

Ayon sa desisyon ng Tuguegarao City Regional Trial Court (RTC) Branch 10, nabigo ang mga prosekyutor na patunayan ang krimen na ibinibintang kay Echanis. Dagdag pa ng korte, hindi sapat ang mga ispekulasyon na ibinato ng mga prosekyutor para ganap na patunayang maysala siya.

Malugod na sinalubong ng pamilya, kaibigan, kasama, abugado at mga progresibong grupo ang paglaya ni Echanis. Gayunman, patuloy ang kanilang paninindigan na inhustisya ang limang taon na pagkakakulong at ninakaw na panahon ng estado mula sa kanya.

“Patunay ito na ang kasong isinampa kay Amanda ay gawa-gawa lamang para patahimikin ang mga aktibista at nagsusulong sa karapatan ng mga magbubukid at mamamayan sa Cagayan Valley. Hindi dapat siya nakulong at nawalay sa kanyang anak,” pahayag ni Zenaida Soriano, pambansang tagapangulo ng Amihan, pederasyon ng kababaihang magsasaka na kinabibilangan ni Echanis.

Ayon sa Sentro Para sa Tunay na Repormang Agraryo (Sentra), grupo ng mga abugadong kumatawan kay Echanis, ang pinatagal na pagkukulong sa kanya batay sa mga walang-batayang alegasyon ng mga pwersa ng estado ay parte ng isang “nakababahalang padron.” Anito, sinisira ng ganitong padron ang wastong proseso ng batas, binabakbak ang tiwala sa mga institusyon at naghahatid ng takot sa lehitimong paglaban ng mamamayan.

Anang grupo, bagaman maituturing na isang hakbang tungong hustisya ang desisyon ng korte ay kinakailangan pa rin ng pananagutan. “Ang tunay na pananagutan ay nangangailangan ng mas malapad na muling pag-aaral sa mga sirkunstansya na nagbigay daan sa maling prosekusyon at detensyong ito,” anang Sentra.

Nanawagan ang grupo sa mga otoridad na agarang muling suriin ang katulad na mga kaso para mapalaya ang mga katulad ni Echanis. Dagdag nila, dapat din umanong panagutin ang sinumang upisyal na responsable sa pag-abuso sa kapangyarihan, at ibasura ang mga patakarang kinakasangkapan ang sistema ng hustisya laban sa mga tagpagtanggol ng karapatang-tao.

Ganito rin ang palagay ng grupong Karapatan. “Ang mga nag-utos ng kanyang pag-aresto, nagtanim ng ebidensya, nagsinungaling sa hukuman, at nagpatagal ng kanyang pagkakakulong ay dapat managot sa harap ng batas, sa aspetong kriminal man o administratibo,” ayon kay Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan. Dagdag niya, kung walang pananagutan ay magpapatuloy ang mga ganitong uri ng pang-aabuso.

Kabilang sa sumalubong sa paglaya ni Echanis mula sa Cagayan Provincial Jail sa Tuguegarao City ang mga kapwa niya upisyal ng University of the Philippines-Diliman University Student Council (UPD USC). Habang nasa kulungan, nanalo si Echanis bilang numero unong konsehal ng UPD USC noong Mayo 2025.

“Ang pagpapalaya kay Amanda Echanis ay tagumpay ng sama-samang pagkilos at isang mahalagang hakbang sa pagtatanggol sa kalayaang pang-akademiko at sa pagsusulong ng tunay na katarungan sa lipunan,” pahayag ng konseho ng mag-aaral.

Sa paglaya ni Echanis, ipinahayag niyang ipagpapatuloy ang pag-oorganisa at pagtataguyod sa karapatan ng mga magsasaka. Patuloy rin niyang ipapanawagan ang hustisya para sa kanyang ama na si Randall Echanis na pinaslang ng mga pwersa ng estado noong Agosto 10, 2020.

The post Bilanggoong pulitikal na organisador ng magsasaka sa Cagayan, napawalangsala at nakalaya appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.