Alinsunod sa utos ng Bambang Regional Trial Court, muling binuwag ang barikada ng mamamayan laban sa Woggle Corporation noong Enero 13 sa barangay Bitnong, Dupax del Norte. Nag-utos din ang korte na arestuhin sino man ang lumabag sa kautusan. Mahigit 100 pulis na naka-riot shield ang dineploy ng PNP Bayombong para tiyakin na matutupad ang utos ng korte. Katuwang nito ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection na may dalang trak ng bumbero.
Habang sinisira ng mga tauhan ng Woggle Corporation ang itinayong bakal na gate sa tarangkahan ng barikada, kumanta ang mga residente ng “Pilipinas kong Mahal” bilang pagtutol. Hindi na naka-abante ang mga tauhan pagkasira ng gate nang hinarang ng nasa mahigit 50 residente ang daanan. Kasama nila sa laban ang mga taong simbahan at mga nagtatanggol sa kalikasan.
Giit ng mga residente, matanggal man ang gate na itinayo nila bilang barikada, hindi pa rin nila pahihintulutan ang Woggle na makapasok sa kanilang komunidad.
Bago ang insidente naglunsad ng misa para sa mga residente at mga nagbabarikada si Bishop Jose Elmer Mangalinao ng Diyosesis ng Bayombong noong Enero 12. Nanawagan din ang diyosesis para sa mga upisyal ng lokal na gubyerno na ipagtanggol at depensahan ang mamamayan. Noong Enero 9 nagpadala ng pormal na apila ang diyosesis kay Jose Gambito, gubernador ng Nueva Viscaya na mag malabas ng kautusan para sa Woggle Corporation na tigilan nito ang kanyang mga aktibidad. Nagpadala din ng magkakahiwalay na apila ang diyosesis kina Eufemia Dacayo, bise gubernador, RR Asuncion, bise meyor at sa Sangguniang Panlalawigan at Sangguniang Bayan ng Dupax del Norte, na suportahan ang panawagan at manindigan sa panig ng mga apektadong komunidad.
Noong Enero 6, ibinasura ng RTC 30 ang mga mosyon para sa rekonsiderasyon na inihain ng abugado ng mga nagbabarikada para ibasura ang desisyon para sa pagbubuwag ng barikada.
Nagpahayag ng pakikiisa ang Kalikasan People’s Network sa laban ng mamamayan ng Dupax del Norte. Nakiisa rin sila sa panawagan ng mga residente para kay Judge Paul Attolba Jr. na bitawan na ang kaso. Si Judge Attolba Jr. ng RTC 30 ng Bambang, Nueva Viscaya ay parehong hukom na nagbasura sa petisyon para sa temporary environmental protection order laban sa Oceana Gold Philippines Inc noong Abril 2024.
The post Barikada ng mamamayan laban sa Woggle Corporation, muling binuwag appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

