Kinundena ng Kabataan Partylist- North Caloocan ang paggamit sa ayuda ng lokal na gubyerno ng Caloocan para bantaan at kontrolin ang mga estudyante ng University of Caloocan City (UCC).
Ayon sa ulat ng mga estudyante, nangyari ang insidente noong unang linggo ng Disyembre 2025 sa North City Hall. Umabot ng mahigit isang oras ang pamamahagi ng P5,000 na financial assistance dahil sa pangangaral at pananakot ng mga empleyado ng munisipyo. Pinagalitan nila ang mga estudyante na nagreklamo sa social media hinggil sa isyu ng pay-out. Sinabihan din ng mga empleyado ang mga estudyante na dapat ‘magpasalamat’ sila at “utang na loob” nila ang cash aid sa meyor ng lungsod.
“Bakit? Malaya siyang tumakbo para sa pusisyon. Kaya hindi namin nakikita ang dahilan para pasalamatan siya para sa ayuda…galing ‘to sa buwis ng mamamayan,” reaksyon ng isang estudaynteng kasama sa “na-sermonan.”
Nagpahayag din ng pagkadismaya at kawalan ng tiwala sa lokal na gubyerno ang mga estudyante.
“Wala kaming kahit anong balita…parang nakalimutan na. Ang malala, baka nabulsa na,” pahayag ng isa pang estudyante.
Mas masakit pa sa pagkaantala ng ayuda ang kawalan ng katotohanan at pakiramdam na pinarurusahan sila dahil sa kanilang pagtatanong, ayon naman sa isa pang estudyante.
“Kung tunay na para sa mga estudyante ang tulong na ito, bakit tila kailangang patahimikin muna sila bago ito ibigay?”
Pinagbawalan ang estudyante na magdala ng selpon sa aktibidad upang matiyak na walang bidyo sa aktibidad ang lumabas sa publiko. Nasa aktibidad din si Oscar Malapitan, kinatawan sa kongreso ng syudad at nangako na magkakaroon ng ikalawang bats ng ayuda sa ikalawang linggo nitong Enero. Wala pang balita tungkol dito hanggang sa kasalukuyan.
Noong nakaraang buwan, umingay sa Facebook page na “Batang NorCal” ang usapin hinggil sa pagka-antala at kalituhan sa pinangako na P5,000 financial assistance para sa estudyanteng gagradweyt sa UCC. May balita din noon na mas naunang nakakuha ng ayuda ang mga estudyante mula sa UCC South at “windbreaker” (manipis na jacket) na lamang daw ang ibibigay sa halip na ayuda.
Ayon sa Kabataan Partylist-North Caloocan, ang usapin ng pinansyal na ayuda ay isa lamang sa gabundok na isyu na kinahaharap ng mga UCCian. Isa din itong manipestasyon ng nabubulok at korap na pamamahala ng pamahalaang lungsod ng Caloocan.
Nananawagan ang grupo sa mga estudyante ng UCC na tumindig para sa kanilang demokratikong karapatan at ipaglaban ang tunay na libre at abot-kayang edukasyon.
The post Cash aid para sa mga estudyante ng Caloocan City, ginamit sa pulitika appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

