Pinagpupugayan ng Artista at Manunulat ng Sambayanan (ARMAS)-Timog Katagalugan ang lahat ng mga rebolusyonaryong manggagawang pangkultura na patuloy na nagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan ngayong ika-39 anibersaryo ng ARMAS. Ipagdiwang natin ang okasyong ito sa pamamagitan ng pagtitibay ng ating kahandaan sa pagtupad sa tungkulin ng mga manggagawang pangkultura sa rebolusyon upang kontrahin ang agos ng kulturang dala ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo sa ilalim ng sistemang malakolonyal at malapyudal.

Sa kasalukuyan, todo-todo ang atake sa buhay at kabuhayan ng imperyalismong US at reaksyunaryong gubyerno sa rebolusyonaryong mamamayang Pilipino. Sa kanilang hanay, matatagpuan ang mga manggagawang pangkultura na niyayakap at isinusulong ang digmang bayan upang hubugin ang isang lipunang tunay malaya at demokratiko.

Karamihan sa mga artista at manunulat ay nagmumula sa hanay ng kabataang intelektwal at mga propesyunal na dinaranas ang atake ng neoliberalismo sa edukasyon. Tinatagos nito ang pagpapatupad ng mga patakarang sumisikil sa pag-ehersisyo sa malaya at kritikal na pag-iisip ng kabataan tulad ng pagkahon sa mga kurikulum ng CHEd at DepEd na nakakiling sa makadayuhang perspektiba at historical revisionism at komersyalisasyon o pagkakait ng libre at dekalidad na edukasyon sa malawak na hanay ng kabataan. Sa aprubadong 2026 Pambansang Badyet ni Marcos Jr., apektado ang sektor ng edukasyon ng kulang na kulang na pondo habang nakalaan ang napakalalaking tipak ng badyet sa korapsyon at katiwalian ng rehimen sa iba pang ahensya tulad ng DPWH na napupunta lamang sa mga palso at multong proyekto tulad ng flood control. Dagdag pa ang paglalaan ng daan-daang bilyong pondong nilulustay ng mga heneral at hepe ng AFP-PNP para tapatan ng dahas at teror ang paglaban ng taumbayan.

Tulad ng masang anakpawis na kinakaharap ang pasakit ng lipunang malakolonyal at malapyudal, hindi biro ang maging alagad ng sining para sa mga manggagawang pangkultura, artista at manunulat sa bansa. Araw-araw tayong nakikibaka para sa kalayaan sa pamamahayag, paglikha at pagsisiwalat ng katotohanan sa kabila ng mapaniil na reaksyon ng estado.

Kailangan ang tibay ng loob at paninindigan para maihatid ang mensahe ng kahirapan, pakikibaka at rebolusyon kahit anong midyum pa ang napili ng isang artista–ito man ay paghawak ng pinsel o lapis, pagsasaliw ng mga tula at musika, pagkuha ng mga litrato o paglalathala ng mga babasahin, vlogging o podcasting, pag-arte, pagtatanghal at iba pa para magpukaw, mag-organisa at magpakilos sa sambayanang Pilipino.

Salungat sa mainstream, hindi tayo mga artista at manunulat na lumilikha ng sariling kaharian para sa royalties o simpleng pagpapasikat. Bagkus, kinokontra natin ang agos ng burges, dekadente at macho-pyudal na sistemang hatid ng neoliberal na atake sa kultura ng imperyalismong US. Hinuhubaran at tinutuligsa natin ang black propaganda, fake news at historical revisionism ng kasalukuyang rehimeng US-Marcos II, maging ang kasalukuyang pagdemonyo nito sa mga progresibo, makabayan at rebolusyonaryo bilang “terorista” sa mata ng publiko.

Kultura ng imperyalismo ang ipinalulunok na kultura sa atin—ang mga angat sa uri (supraclass) na kaisipan na lumalason sa utak ng mamamayan at naglalayo sa kanila sa landas ng pakikibaka. Naglipana sa internet, social media, TV at radyo ang malakas na hatak ng indibidwalismo, post-modernismo, anarkismo, petty-bourgeois revolutionism at iba pa.

Nananatiling napakalaki ng hamon sa mga rebolusyonaryong manggagawang pangkultura na ilunsad ang opensiba sa kultura upang ibandila ang pambansa, siyentipiko at makamasang kultura sa pagsusulong ang demokratikong rebolusyong bayan hanggang sosyalistang rebolusyon.

Sa kasalukuyang kilusang pagwawasto, kaakibat sa mga isinisikad ng rebolusyonaryong kilusan sa TK at buong bansa ang gawain sa kultura bilang integral na bahagi nito. May isang antas ito ng sigla dulot ng ating mga pagsisikap na aralin at ilapat ang linyang masa at Marxismo-Leninismo-Maoismo sa tanglaw ng kilusang pagwawasto ng Partido Komunista ng Pilipinas.

Napapanday ang mga manggagawang pangkultura sa rehiyon, indibidwal man o grupo sa paglahok sa praktikal na buhay ng masang anakpawis at kanilang pakikibaka. Lahat ng ating pagsisikap ay nakalaan sa layong higit na papaghusayin ang ating estilo ng paglikha ng sining at panitikan para sa masang pinaglilingkuran, upang maging langis sa makina ng rebolusyon sa pagpupukaw ng mapanlabang diwa ng sambayanang Pilipino.

Walang ideyal na porma at pamamaraan sa rebolusyonaryo at gerilyang produksyon ng sining at kultura. Lahat ito’y nagmumula sa panlipunang praktika, kung gayo’y walang pader o harang na makalilimita sa pagtuklas natin sa sanlibo’t isang paraan ng masa upang bigwasan hanggang mapabagsak ang kulturang kaakibat ng sistemang malakolonyal at malapyudal.

Gawin nating inspirasyon ang kahandaan at pagkauhaw ng masang Pilipino sa tunay na pagbabagong panlipunan upang pagbutihin ang pagtupad sa ating gawain sa rebolusyon. Dapat nating ilantad at labanan ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo sa pamamagitan ng ating mga sandatang pluma, pinsel at iba pa sa pagbabandila ng pambansa, siyentipiko at makamasang kultura. Singilin ang reaksyunaryong estado na nirerepresenta ngayon ng rehimeng US-Marcos II at kanyang mga alipores sa paghahasik ng kultura ng impyunidad, pagpapakatuta sa US, kawalang hustisya, talamak na pagnanakaw sa bayan at pagpapahirap sa mamamayan.

Bilang mga artista at manunulat, ngayon ang panahon upang ibuhos nang ubos-kaya ang talino at kakayahan sa walang pag-iimbot na paglikha ng mga obrang mag-aambag sa pagtatatag ng isang lipunang tunay na nagtatanghal sa kadakilaan ng masang anakpawis at uring proletaryado. Ngayon ang panahon upang buong pusong maglingkod, buhay man ay ialay, para sa sambayanan.

The post Mag-opensiba sa propaganda at kultura, ilantad at labanan ang bulok na rehimeng US-Marcos II appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.