Tahasang paglabag sa internasyunal na makataong batas at karapatan ni Chantal Anicoche ang patuloy na pagdetine sa kanya ng 2nd Infantry Division sa Camp Capinpin, Tanay, Rizal. Sapilitan siyang pinapirma sa voluntary detention ng AFP na isang iskema upang patuloy siyang mapiit. Kailanman, hindi boluntaryo ang pagpapahawak sa AFP ng sinumang biktima. Hangga’t nakapiit, si Chantal, araw-araw siyang sasailalim sa matinding presyur at mental torture ng AFP.

Isang Filipino-American na kabataang aktibista, si Chantal ay tumungo sa Mindoro upang magsaliksik at mag-alam sa buhay at kabuhayan ng mga katutubong Mangyan at magsasaka na inabandona ng estado. Mula rito, napukaw ang interes niyang makipag-daupang palad at maglunsad ng panayam sa isang yunit ng NPA sa pamamagitan ng pag-ugnay sa NDF-Mindoro. Isa siyang sibilyang mananaliksik na nagtapos sa kursong BS Psychology sa University of Maryland, Baltimore County. Kilala siyang lider ng Filipino American Student Association.

Naiulat siyang nawawala matapos ang pang-aatake ng 203rd Infantry Brigade sa isang yunit ng Lucio de Guzman Command-NPA Mindoro noong Enero 1 sa Sityo Mamara, Brgy. Cabacao, Abra de Ilog, Occidental Mindoro. Para kagyat na masagip at mabigyang proteksyon sa walang habas na pambobomba at istraping ng AFP, kaagad siyang ipinahanap ng NDF-Mindoro at ipinanawagan ang pagpapaluwag sa militarisasyon sa lugar. Ngunit sa kabila nito, hindi natigatig ang mga pasistang yunit ng 2nd IDPA, isinailalim ang buong komunidad sa de facto Martial Law habang tuluy-tuloy na nag-operasyon para tugisin ang yunit ng NPA.

Ang AFP ang pangunahing balakid sa pagtunton kay Chantal ng kanyang mga kaanak at ng humanitarian mission ng mga progresibo, grupong mapagkawanggawa at nagtatanggol sa karapatang tao. Masahol pa, pinalabas ng AFP na “natagpuan” nila si Chantal ilang metro mula sa pinaglabanan at pinagbombahan, higit isang linggo matapos ang pambobomba at istraping noong Enero 1 at ang sumunod na masinsin na operasyong militar sa Abra de Ilog.

Sinadyang ikahon ng AFP ang komunidad upang pagtakpan ang kanilang krimen na kaugnay rin ng pagkontrol kay Chantal na biktima ng kanilang pag-atake sa sibilyang komunidad. Para lusutan ang pananagutan sa krimen sa digma, ginagamit pang kasangkapan sa pagpoposturang makatao ng AFP sa inilabas na bidyo ng “pagkakatagpo” kay Chantal sa gubat.

Malinaw na staged ang mga bidyong ito mula sa “biglang pagkakatunton” sa kanya, sa aktwasyon ng sundalo nang makita sila at sa hitsura’t pananalita ni Chantal na pangitang isinailalim sa pamumwersa.

Walang naniniwala sa kalokohan ng AFP at malinaw ang layunin sa likod ng pagpiit kay Chantal—ito ay para sa pakanang malawakang red-tagging sa mga progresibong samahan at mamamayang nakikibaka sa pasismo ng estado.

Si Chantal ay malinaw na sibilyan at hindi nararapat na isailalim sa kustodiya ng mga militar. Dapat na siyang palayain ng AFP at hayaang makauwi para ipagpatuloy ang kanyang buhay bilang sibilyan na ginagarantiyahan ng kaligtasan. Dapat tutulan at labanan ang iligal na detensyon ng AFP kay Chantal at sa iba pang detenidong pulitikal. Ipanawagan ang agarang pagpapalaya kay Chantal bilang pagtalima sa internasyunal na makataong batas. Singilin, kasuhan at papanagutin ang mga utak sa likod ng pagpapahirap kay Chantal at mamamayan ng Mindoro at Timog Katagalugan na si Maj. Gen. Ramon Zagala, kumander ng 2nd Infantry Division ng Philippine Army at mga pwersang militar ng 203rd Infantry Brigade.

Magkapitbisig laban sa karahasan ng militar. Ipagtanggol ang karapatan ng bayan sa pamamagitan ng nagkakaisang lakas kontra pasismo. Palakasin ang mga panawagan para itigil ang militarisasyon sa kanayunan.

The post Palayain si Chantal Anicoche! Iligal na detensyon, tutulan at labanan! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.