Nagtungo sa pambansang upisina ng Department of Social Work and Development (DSWD) ang mga residente ng maralitang komunidad na napinsala sa nakaraang mga bagyo ngayong araw, Enero 12, para singilin ang kagawaran sa kumpensasyong dapat ipinamahagi nito. Sa pangunguna ng Kadamay, hangad nilang makipagdayalogo sa kalihim ng DSWD na si Rex Gatchalian pero hindi sila hinarap nito.

“Mahigit anim na buwan na ang nakalipas mula nang manalasa ang mga bagyong Crising, Dante, at Emong, pati ang sunud-sunod na pagbaha dulot ng habagat,” pahayag ng Kadamay. “Ngunit hanggang ngayon, milyun-milyong Pilipino ang patuloy na pinababayaan at hindi nakatatanggap ng makatarungang kompensasyon.”

Mayroong 1.85 milyong pamilya o 6.6 milyong indibidwal sa 17 rehiyon ang napinsala sa mga sakuna at mahigit 15,000 tahanan ang nasira.

“Ang mga pinsalang (ito) ay hindi kayang tumbasan ng pansamantalang ayuda o relief goods,” ayon sa grupo. Tugon ito ng mga maralita sa liham ni Gatchalian noong Enero 8 na nagsabing “sapat na” ang pamamahagi ng mga relief food pack bilang tugon ng kagawaran.

Batid ng Kadamay na may ₱270 bilyon na pondo ang DSWD sa panukalang 2026 national budget, kabilang ang ₱63.9 bilyon para sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).

“(Ang) pondong ito ay sa praktika nagiging instrumento ng patronage politics at makabagong anyo ng vote-buying, sa halip na direkta at agarang tulong sa mga tunay na nangangailangan,” ayon sa Kadamay.

Tinawag ng mga maralita ang matagal na pagkaantala at kawalan ng tugon ng estado bilang “kriminal na kapabayaan.”

The post Kumpensasyon sa napinsala ng kalamidad, siningil ng mga maralita sa DSWD appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.