Binati ng Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR) ang mga rider sa Ninja Van sa matagumpay nilang pagtatanggol sa kanilang katiyakan sa trabaho at karapatang mag-unyon. Matapos ang halos limang buwan, naglabas ng desisyon noong Disyembre ang National Labor Relations Commission (NLRC) na ibalik ang 131 rider na tinanggal ng Ninja Van sa trabaho noong nakaraang taon. Ang naturang mga manggagawa ay kasapi ng Ninja Van Riders’ Union (NVRU-FFW). Ang Ninja Van ay isa sa pinakamalaking logistics provider sa Southeast Asia. Ang hedkwarters nito ay nakabase sa Singapore.
Tinanggal ng kumpanya ang naturang mga manggagawa sa pagitan ng Abril at Mayo 2025. Idinahilan ng kumpanya ang umano’y hindi nila pagsipot sa trabaho (absence without leaveo AWOL), paggamit ng iba-ibang pangalan at akawnt, at di maayos na pagtrabaho (performance issue). Sa pagharap ng unyon sa NLRC, napatunayan nito na hindi nag-AWOL ang mga rider gamit ang mismong mga rekord ng kumpanya. Hindi rin naging sagabal sa kanilang trabaho ang paggamit nila ng ng iba-ibang pangalan sa app at naggampanan nila ang inatas sa kanila na mga gawain.
Sa harap nito, inatasan ng NLRC ang Ninja Van na ibalik sa trabaho ang sinisante nitong mga rider. Idineklara rin ng ahensya na “unfair labor proctice” ang ginawa ng kumpanya na pagkuha ng ibang mga rider bilang ganti (retaliation) sa mga aktibidad ng unyon.
“Ang patuloy na pakikibaka upang kamtin ang karapatan ng manggagawa ay sadyang di kayang harangin ng sibat. Ang tagumpay ay nakakamit nang may prinsipyo at dignidad,” ayon kay Dick Pacioles, presidente ng NVRU-FFW.
“Isang malaking tulong ang desisyon ng NLRC sa (pagsusulong ng) karapatan sa katiyakan sa trabaho at sa kalayaan sa pag-oorganisa na dapat tinatamasa ng lahat ng manggagawa sa platform industry at ng lahat ng manggagawa,” pahayag ng CTUHR.
“Pinatatampok nito ang bagong anyo, pero sa katunayan ay luma, nang mga pamamaraan kung saan sinusubukan ng mga kumpanya na tanggalin ang mga karapatan ng mga manggagawa sa platform industry.” Kabilang sa mga pamamaraan na ito ang pagtrato sa kanila bilang mga “independent contractor” at hindi empleyado, pag-alis sa kanila sa trabaho kapag nag-oorganisa o nag-uunyon, at paggamit ng kunway mga lehitimong dahilan para bigyang-katwiran ang pagtatanggal sa kanila sa trabaho.
The post Pagbabalik sa tinanggal na mga rider ng Ninja Van, naigiit appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

