Nagprotesta ang iba’t ibang samahan ng mga home owners sa ilalim ng Taytay Urban Poor Alliance (TUPA) at ang Kadamay-Rizal sa Baltao gate, Ortigas Avenue noong Enero 11, upang kundenahin ang kaliwa’t kanang demolisyon sa Taytay, Rizal. Nanawagan sila para sa kagyat na pagpapatigil sa iligal na pagkulong ng Baltao corporation sa mga residente ng sityo Igiban sa kanilang komunidad. Nasa 129 ang lumahok sa pagkilos.
Katuwang ang Philippine National Police, pwersahang isinara ng mga goons ng Baltao Corporation ang lagusan ng mga residente sa sityo Igiban, barangay San Isidro, Taytay, Rizal mula Enero 7. Humigit-kumulang 60 na pamilya ang dinahas ng kumpanya. Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa rin makalabas o makapasok ang mga residente sa kanilang komunidad.
Malaking abala ang pagsasara ng lagusan sa araw-araw na pamumuhay ng mga residente. Maraming estudyante ang hindi makapasok sa eskwelahan, gayundin ang mga manggagawa sa kanilang trabaho. May ilang nagkasakit na hindi napagamot dahil sa panghaharang.
Una nang binakuran ng kumpanya ang lagusan noong Disyembre 4. Napilitan itong buksan ang tarangkahan matapos mamagitan ang isang tauhan ng munisipyo. Gayunpaman, nanatiling tikom at walang tugon si Allan De Leon, meyor ng Taytay sa mga pangyayari.
Ang Igiban ay isa lamang sa mga komunidad na kumakaharap sa banta ng demolisyon sa Taytay. Nahaharap din sa demolisyon ang mga sityo Siwang, Sapang Gody, Bato-bato, Batong Dalig, Halaman Uno, Halaman Dos, Pugad Lawin at PCSO. Ang mga residente sa naturang mga komunidad ay walang akses sa tubig at kuryente dahil sa panggigipit ng mga nangangamkam ng lupa.
Ayon sa TUPA, ang kaliwa’t kanang mga demolisyon ay patunay lamang ng pagpanig ng estado sa interes ng mga pribadong kumpanya, sa halip na itaguyod ang karapatan ng mga maralita sa paninirahan.
Nananawagan ang Sitio Igiban Neighborhood Association Inc. ng kagyat na aksyon sa kanilang problema at agarang pagpapalayas at pagpapanagot sa Baltao Corporation sa ginawa nilang pandarahas sa mga residente.
The post Lupain sa Taytay Rizal, iligal na binakuran ng mangangamkam ng lupa appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

