Nanawagan ang Kilusang Mayo Uno (KMU) ng agarang imbestigasyon sa pagguho ng tambak ng basura sa Binaliw Landfill sa Cebu City noong Enero 8. Ang tambakan ay pinatatakbo ng Prime Integrated Waste Solutions Inc (PIWSI) na subsidyaryo ng Prime Infrastructure Capital Inc, pag-aari ng burgesyang kumprador na si Enrique Razon Jr.

Sa ulat ng Cebu City Disaster Risk Reduction and Management Council ngayong araw, Enero 11, umakyat na sa anim ang naitalang namatay sa pagguho at 12 ang nasugatan habang mayroong 34 pang nawawala. Karamihan sa mga biktima ay mga manggagawa sa tambakan.

“Dapat maimbestigahan kung ipinapatupad ba nila ang mga pamantayang nakasaad sa Occupational Safety and Health (OSH) Law, at kagyat silang maparasuhan kung mapatunayang hindi,” ayon sa KMU. Kinakailangan rin umanong sagutin ng kumpanya ang lahat ng gastusin sa pagpapalibing ng mga nasawi, at pagpapagamot ng mga nasugatan.

Batid ng KMU na malaki ang pananagutan ng mga Razon sa nangyari lalo pa kung kusa nitong binabalewala ang mga pamantayan sa kaligtasan at kalusugan sa trabaho para makatipid at tumubo nang malaki. Pinatunayan rin umano nito ang kahungkagan ng OSH Law upang gawing krimen ang hindi pagsunod sa mga pamantayan sa OSH na inilatag ng batas.

“Hindi dapat palampasin ang trahedyang ito. Hindi na ito dapat sapitin muli ng mga manggagawang marangal lamang na nagsusumikap,” anang grupo.

Nanawagan ang KMU na paramihin ang bilang ng mga tim na nagsasagawa ng operasyong search and rescue para agad na matunton at maisalba ang mga nawawala. Dapat din umanong tiyakin ang kaligtasan ng mga manggagawang sasabak sa search and rescue kasabay ng paggampan nila sa trabaho.

Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Central Visayas, matagal nang nagbabala ang mga manggagawa at residente sa mapanganib na taas ng tambak ng basura, nakalalasong hangin, kontaminadong tubig at kawalan ng mga hakbang pangkaligtasan sa tambakan. “Binalewala ang kanilang mga panawagan, hanggang sa nangyari ang trahedya,” anang grupo.

Ikinumpara naman ng maka-kalikasang grupo na Greenpeace Philippines ang insidente sa nangyaring trahedya sa Payatas, Quezon City noong Hulyo 10, 2000 kung saan daan-daan ang naiulat na namatay. Anang grupo, nagpapakita ito ng malungkot na larawan ng sirang sistema sa pamamahala ng basura sa bansa.

The post Pagguho ng tambakan ng basura sa Cebu City, pinaiimbestigahan ng grupo ng manggagawa appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.