Kinundena ng Defend Ilocos Sur at Kalikasan People’s Network for the Environment (KPNE) ang muling pagpapahintulot ng Department of Environment and Natural Resources Region 1 (DENR-1) sa operasyon dredging ng Isla Verde Mining Development Corporation (IVMDC). Sa kabila ito ng paulit-ulit na paglabag ng kumpanya sa batas. Ayon sa mga grupo, ang desisyon ng ahensya ay walang malinaw at lehitimong batayan at labag mismo sa mandato ng ahensya na pangalagaan ang kalikasan.

Noong Disyembre 23, kinatigan ng DENR-1 ang apela ng IVMDC na isantabi ang kanselasyon ng kanilang Memorandum of Agreement (MOA). Isang araw lamang matapos itong ikansela noong Disyembre 22. Ayon sa kasunduan, pinapahintulutan ang kumpanya na ibenta ang mga nahukay na materyales mula sa itinakdang sona sa ilog.

Tinalakay ang suspensyon ng IVMDC sa isang dayalogo sa pagitan ng kumpanya, lokal at gubyerno at mga residente noong Nobyembre 19. Nabigong makapagbigay ang kumpanya ng kinakailangang mga dokumento para magpatuloy sa kanilang operasyon. Kabilang dito ang malinaw na teknikal na paglalarawan ng kanilang operasyong dredging at katibayan na nag-opereyt sila sa tinukoy na sona para sa pagdredging. Gayundin ang pag-renew ng permit nito para sa pagbyahe ng mineral. Sa kabila ng kawalan ng mga naturang dokumento, kinatigan pa rin ng DENR-1 ang pagbabalik ng MOA.

“Sa loob lamang ng 24 oras, isinantabi lang ng DENR-1 ang kanselasyon at nagbigay ng letter of reconsideration. Malinaw na ang katapatan ng ahensya ay nasa mga korporasyon na mandarambong at wala sa mga mamamayan,” paliwanag ng Kalikasan.

Ang mga materyales na nakuha mula sa dredging ay dinadala sa Pasay City at Bulacan, taliwas sa sinasabi ng kumpanya na para ito sa pagpigil sa pagbaha sa Vigan City.

Sa harap nito, ipinagtanggol pa ni Luis “Chavit” Singson, dating gubernador ng Ilocos Sur at ni Jerry Singson, gubernador ng prubinsya, ang dredging bilang importanteng proyekto para sa pagkontrol diumano sa baha.

Nananawagan ang Defend Ilocos Sur sa DENR-1 na ipaliwanag nito ang dahilan sa pagbabalik ng MOA at ilabas ang lahat ng dokumento na may kinalaman sa operasyon ng IVMDC. Dapat din maglunsad muna ng konsultasyon sa apektadong komunidad bago pahintulutan na magpatuloy muli ang proyekto,

Nananawagan din ang grupo para sa pananagutan mula sa kumpanya at sa mga upisyal ng gubyerno na nagpahintulot sa operasyon sa kabila ng paglabag ng kumpanya sa batas. Dapat rin bigyan ng tamang kumpensasyon ang mga mangingisda at kagyat na i-rehabilitate ang nasira na dalampasigan.

The post Muling pagpapahintulot sa operasyong dredging sa Ilocos Sur, kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.