Muling nanawagan ang mga estudyante ng Ateneo de Manila University (ADMU) sa administrasyon ng unibersidad na ibasura ang pinirmahang Deklarasyon ng Kooperasyon sa pagitan ng unibersidat at ng Armed Forces of the Philippines sa isang protesta noong Enero 8. Kasunod ito ng kamakailang ulat ng pambobomba at terorismo ng AFP sa Sityo Mamara, Barangay Cabacao, Abra de Ilog, Occidental Mindoro noong Enero 1.
Ayon sa grupong One Big Fight for Human Rights and Democracy (OBFHRD), mula nang pinirmahan ang naturang kasunduan ay higit lamang tumindi ang kampanya ng pasistang panunupil ng AFP sa mamamayan, laluna sa mga komunidad sa kanayunan. Anang grupo, walang magandang kahihinatnan ang pakikipagtulungan ng ADMU sa isang institusyon na nambobomba sa mga komunidad ng mga katutubo at pumapatay sa mga sibilyan sa kanayunan.
Nauna nang binatikos ng grupo ang deklarasyon ng kooperasyon na tinawag nitong labag sa mga prinsipyo ng demokrasya at akademikong kalayaan. Ayon sa OBFHRD, ang panghihimasok na ito ng militar sa ADMU ay malinaw na bahagi ng National Action Plan for Unity, Peace, and Development (NAP-UPD) ng rehimeng Marcos na mahigpit na kaugnay ng kampanyang kontra-insurhensya.
Terorismong militar sa Mindoro
Noong Enero 1, nagpakilos ang AFP ng apat na batalyon ng mga sundalo at gumamit ng apat na helikopter para isagawa ang pambobomba at pag-atake sa Abra de Ilog. Naiulat ng mga grupo sa karapatang-tao na namatay dito ang tatlong batang Mangyan-Iraya, habang nasugatan ang kanilang ina.
Namatay rin sa kasagsagan ng pambobomba ang kabataang mananaliksik na si Jerlyn Rose Doydora nang atakehin ng sakit. Si Doydora ay bahagi ng grupo ng kabataan na nagpaabot ng hangarin na makapanayam ang mga katutubo at magsasaka sa Mindoro at ang mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Nais nilang alamin ang kongkretong kalagayan ng masa, ang dahilan ng armadong sigalot at ang tunay na solusyon para makamit ang kapayapaan. Si Doydora ay estudyante ng Pamantasan ng Lunsod ng Maynila.
Samantala, isa pang kabataang-mananaliksik, si Chantal Anicoche, ang nawala nang mapawalay sa kanyang mga kasama sa panahon ng pambobomba. Noong Enero 8, pinalabas ng 203rd IBde na “natagpuan” nito si Anicoche matapos ang tuluy-tuloy na pangngalampag ng mga grupo sa karapatang-tao na ilitaw siya sa hinalang hawak ng militar. Si Anicoche ay gradweyt ng University of Maryland, Baltimore County sa US at isang dating lider ng Filipino American Student Association, organisasyon ng mga Pilipinong estudyante sa unbersidad.
Ayon sa OBFHRD, ang terorismo ng AFP sa Mindoro ay hindi na bagong taktika sa isla at sa buong bansa. Anito, ang pasistang atake ay isinasagawa sa atas ng rehimeng Marcos at ng may suporta ng malalaking korporasyon sa pagmimina at real estate na gustong kamkamin ang lupang ninuno ng mga katutubo.
Sa isinagawang protesta, nanawagan ang grupo ng hustisya para sa mga biktima ng masaker at pinatinding militarisasyon ng AFP sa Abra de Ilog at buong Mindoro.
The post Pagbasura sa “deklarasyon ng kooperasyon” ng ADMU-AFP, muling ipinanawagan ng mga estudyante appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

