Mariing kinokondena ng Katipunan ng Gurong Makabayan (KGM) – Balangay Jessica Sales ang patuloy na iligal at arbitraryong detensyon kay Chantal Anicoche sa Camp Mateo Capinpin, Tanay, Rizal, sa kamay ng 2nd Infantry Division Philippine Army sa ilalim ng pamumuno ni Maj. Gen. Ramon Zagala.

Si Chantal ay isang Filipino-American na kabataang aktibista at mananaliksik na nakipamuhay sa mga pamayanang Mangyan sa isla ng Mindoro upang direktang matutunan ang kanilang kalagayan. Ang ganitong adhikain ay kumakatawan sa mapagpalayang tunguhin ng kritikal na edukasyon, agham panlipunan, at pananaliksik. Walang anumang ligal at makatarungang batayan upang manatili siya sa diumanong “kustodiya” ng mersenaryong militar.

Si Chantal ay una nang naiulat na nawawala matapos ang pasistang aerial bombing at ground operations ng pasistang Philippine Army sa Sitio Mamara, Barangay Cabacao, Abra de Ilog, Occidental Mindoro. Ang militarisasyong ito ay nasa operasyunal na komand ng 203rd Infantry Brigade ng Philippine Army na nasa ilalim ng pamumuno ni
Brigadier Gen. Melencio Ragudo.

Subalit dinagdagan pa ng mersenaryong militar ang kanilang krimen at inilantad ang sarili sa paglulubid ng buhangin na salungat sa lohika at aktwal na kalagayan ng kalupaan, na lalong nagpapataas ng duda sa hanay ng mamamayan na si Chantal ay nauna nang dinakip sa panahon ng pasistang operasyon at pansamantalang itinago sa mata ng publiko.

Ayon sa pilipit na naratibo ng mersenaryong militar, si Chantal ay kanila raw “natagpuan sa isang search operation,” may “limandaang metro ang layo” mula sa lugar ng kanilang pasistang pambobomba. Ang ganitong kwento ay pinabubulaan mismo ng malaganap na presensya at mahigpit na blokeyo ng hindi bababa sa apat na batalyon ng pasistang militar. Sa ibang salita, paanong umabot nang isang linggo bago “matagpuan” si Chantal, kung siya ay “kanugnog” lamang ng hindi bababa sa 1,200 mersenaryo!

Ang tighabol, buhol-buhol, at kaduda-dudang pahayag ng reaksyonaryong militar hinggil sa “pagkawala at malaong pagkakatagpo” kay Chantal ay mapanlait sa dunong ng taumbayan at malinaw na bahagi ng pagtatangkang pagtakpan ang kanilang pananagutan. Sa bidyo na inilabas mismo ng pasistang 203rd Infantry Brigade, inilantad nila ang kanilang presumption of guilt, pananakot, at pamimilit sa kanilang “pag-udyok na magsabi ng totoo at makipagtulungan” si Chantal, habang siya ay binansagang “person of interest.” Ito ay tahasang paglabag sa kanyang karapatan bilang sibilyan, na malinaw na nasa isang sitwasyon ng intimidasyon at duress.

Si Chantal ay hindi isang kombatant. Siya ay isang kabataang aktibista, bagong graduate ng BS Psychology mula sa University of Maryland, Baltimore County, at iginagalang na lider ng Filipino American Student Association (FASA). Nagtungo siya sa Pilipinas upang makipamuhay sa mga katutubo at magsaliksik sa kanilang kalagayan, matapos ang serye ng kalamidad na tumama sa bansa. Ang kanyang gawaing pananaliksik, pakikipamuhay, at adbokasiya ay saklaw ng kalayaan sa pag-iisip, pamamahayag, at akademikong pananaliksik na ginagarantiyahan ng internasyunal na batas at hindi kailanman maaaring gawing batayan ng pagdakip at kriminalisasyon.

Ang patuloy na detensyon kay Chantal ay malinaw na paglabag sa Artikulo 9 ng International Covenant on Civil and Political Rights (ICCPR) na nagbabawal sa arbitraryong pag-aresto at detensyon. Ang kanyang pagkawala sa loob ng ilang araw, ang hindi agarang pag-amin ng reaksyonaryong estado sa kanyang kalagayan at lokasyon, at ang pagtanggi ng pasistang militar na bigyan siya ng agarang access sa legal na tagapayo, pamilya, at independyenteng humanitarian at human rights organizations ay kinatatampukan na ng mga elemento ng sapilitang pagkawala o enforced disappearance, isang malubhang krimen sa ilalim ng internasyunal na batas. Dagdag pa, ito ay labag sa pagbabawal sa tortyur at malupit, di-makatao, at nakalalait na pakikitungo sa ilalim ng Artikulo 7 ng ICCPR at Convention against Torture.

Ang patuloy na paghawak ng militar kay Chantal ay bahagi ng mas malawak na padron ng red-tagging, panunupil, at kriminalisasyon sa mga aktibista, mananaliksik, at mga taong naglilingkod sa sambayanan, lalo na yaong naglalantad ng kalagayan ng mga katutubo at maralitang pamayanan. Ito ay taktika ng reaksyunaryong estado upang patahimikin ang mga saksi at takpan ang mga krimen nito laban sa mamamayan.

Bilang mga gurong makabayan na may tungkuling magmulat, magturo, at manindigan sa panig ng katotohanan at hustisya, mariing iginigiit ng KGM-Balangay Jessica Sales na ang kaligtasan, dignidad, at karapatan ni Chantal ay dapat igalang. Hindi siya dapat manatili kahit isang sandali sa kamay ng mersenaryong militar. Ang kanyang agarang paglaya ay hindi lamang usapin ng indibidwal na karapatan kundi pati ng kolektibong laban ng mamamayan laban sa pasistang dahas at impunidad.

Palayain si Chantal Anicoche! Panagutin si Maj. Gen. Ramon Zagala, at 2nd Infantry Division Philippine Army sa pasista, iligal at arbitraryong detensyon!

Itigil ang red-tagging, arbitraryong pagdakip, at panunupil sa mga aktibista, mananaliksik, at katutubo! Panagutin si Brigadier Gen. Melencio Ragudo at ang 203rd Infantry Brigade Philippine Army sa pasistang militarisasyon at paglabag sa karapatang pantao sa Occidental Mindoro!

The post Pahayag ng Kondensyon ng Katipunan ng Gurong Makabayan – Balangay Jessica Sales sa Ilegal at Arbitraryong Detensyon ng Militar kay Chantal Anicoche appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.