Mariing kinundena ng dating kinatawan ng Bayan Muna at lider-Lumad na si Eufemia Cullamat ang panibagong serye ng Red-tagging laban sa Talaingod 13 matapos kinumpirma ng Court of Appeals ang di makatarungang hatol laban sa kanila.
“Kapag wala nang maisagot sa katotohanan, ginagamit nila (estado) ang Red-tagging bilang armas,” pahayag ni Cullamat. Sagot ito ng mambabatas sa pinakahuling kampanya ng Red-tagging ng retiradong heneral na si Antonio Parlade, katuwang ng traydor sa rebolusyonaryong kilusan na si Ariianne Jane Ramos.
“Walang bata o magulang na nagreklamo. Walang pinsala na napatunayan. Pero hinatulan ang mga guro,” aniya. “Ginagamit ang Red-tagging para tabunan ang katotohanan.”
Sinabi ng mambabatas na hindi ginagamit ang Red-tagging para makipagdebate, kundi bilang paghahanda sa karahasan. Bahagi ito ng taktika sa kontra-insurhensya kung saan mauuna ang paninira, kasunod ang pagpapalayas bago ang pagkakaso at pagkukulong.
Kinundena niya ang papel ng NTF-Elcac sa pagsasampa ng gawa-gawang kaso laban sa Talaingod 13.
“Lagi’t laging ginagamit ng NTF-Elcac ang insurhensya para bigyan-katwiran ang militarisasyon sa mga komunidad sa kanayunan at supilin ang inisyatiba ng mamamayan,” aniya. “(K)asabwat ng NTF-Elcac ang warlordismo at mga dinastiyang pultikal tulad ng pamilyang Libayao na naghari-harian sa Talaingod mula pa panahon ng diktadurang Marcos hanggang ngayon.”
Pinangalanan ni Cullamat si Jose Libayao bilang lokal na warlord na naging makapangyarihan dahil sa kanyang kaugnayan sa pagtotroso. Dati siyang security guard na di lokal sa Talaingod pero naging meyor ng bayan dahil sa pakikipagsabwatan niya sa kumpanya para kalbuhin ang gubat. Kinundena ni Cullamat ang myembro ng angkan na si Pilar Libayao na patuloy na nakikipagsabwatan sa NTF-Elcac para magpalaganap ng mga kasinungalingan laban sa Talaingod 13.
The post Talaingod 13, ipinagtanggol laban sa panibagong serye ng Red-tagging appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

