Kasisimula pa lang ng bagong taon pero bakit nakakapagod na? Napakarami na kasing nangyari. Salamat sa midya, may ideya tayo ng mga nakababahala. Mayroon ding mga nakakairita dahil matatawag ba ang mga itong balita?

Magsimula sa seryoso. Binomba ng mga sundalo ang Abra de Ilog, Occidental Mindoro sa unang araw pa lang ng Enero. Matapos ang dalawang araw, Enero 3, binomba naman ng Estados Unidos ang Caracas, Venezuela. Siyempre’y patuloy pa rin ang gulo sa Gaza, Palestine kaya may mga pambobomba pa ring ginagawa ang Israel sa pagpasok ng bagong taon.

Kung tututukan pansamantala ang mga nangyayari sa Pilipinas, napabalita noong Enero 7 ang pagkamatay ng isang guro sa isang paaralan sa Muntinlupa City dahil inatake sa puso habang inoobserbahan ng mga nakatataas ang klase niya. Gumuho naman noong Enero 8 ang Binaliw landfill sa Cebu City na ikinamatay ng isa habang may 38 pang nawawala, ayon sa pinakahuling ulat habang sinusulat ito.

Sa gitna ng mga ito, patuloy pa rin ang imbestigasyon sa malawakang korupsiyong dulot ng flood control projects na pinakinabangan ng ilang opisyal ng gobyerno at pribadong negosyante. Naniningil din ang maraming mahihirap sa administrasyong hindi nagsisilbi sa interes nila. Habang patuloy na yumayaman at lumalawak ang kapangyarihan ng mga nasa itaas, tumitindi naman ang pagdurusa ng mga nasa ibaba.

Kahit simpleng transportasyon mula bahay papuntang paaralan at opisina, araw-araw na kalbaryo para sa mga ordinaryong mamamayan. Kung medyo suwertehing magkaroon ng sariling sasakyan (kahit segunda mano lang), matinding trapik naman ang kakaharapin. Kailangan din bang talakayin ang napapabalitang restriksiyon sa mga e-bike at e-trike na kahit medyo mahal ay hindi hamak na mas mura kumpara sa sasakyang may apat na gulong (o kahit sa bagong motorsiklo)? Isipin na lang na ang mga e-bike at e-trike ay pangmahirap na personal na transportasyon (na posible ring panghanap-buhay) pero ngayo’y tinitingnan ng mga nasa kapangyarihan na mga salot sa kalye.

Kung sabagay, kapansin-pansin ang pribilehiyo sa paligid. Halos walang bangketa sa maraming lugar, lalo na sa kalunsuran. Kahit na direktang salin ng sidewalk, mas konsepto ng nagtitinda sa tabi ng kalye ang naiisip kapag naririnig ang salitang bangketa. Kakaunti lang ang mga lugar na bukod sa may tunay na bangketang nalalakaran ay may espesyal na lane para sa mga nagbibisikleta o nagmomotorsiklo. Tila mas pinapaboran ang mga may sariling sasakyan kahit na nangangahulugan ito ng mabagal na pag-usad at agawan sa paradahan.

Sa sobrang dami ng mga posibleng maging laman ng balita, hindi talaga mauubusan ng paksa ang peryodista. Sa katunayan, ang “problema” sa peryodismo ay kung ano-ano ang uunahin sa sanlaksang isyung kinakaharap ng lipunan, bukod sa mga anggulong dapat na tutukan sa bawat isyung nagiging bahagi ng news cycle. Pero bakit sa pag-scroll sa social media at sa pagbisita sa website ng maraming dominanteng midya, tila walang kuwentang laman ang tumatambad? Mistulang listahan ng mga tsismis at trivia ang inihahalo sa mga importanteng panlipunang usapin.

Mayroon daw fashionistang asawa ng senador na nakagat ng garapata. Isyu rin ang mag-asawang artistang nagkakalabuan na’t malapit na raw maghiwalay. Hindi rin nagpapahuli ang tila sabay na pagpunta ng isang rapper at miyembro ng sikat na girl group sa isang bansang malapit sa Pilipinas. Mayroon ding artistang babae’t lalaki na nakitang magkahawak-kamay at nagtatanong daw ang marami kung sila na nga ba talaga. Paano kaya nasama sa news cycle ang mga ito?

Balita bang matatawag ang mga ito? Sabi nga ni David Brinkley, “news is what I say it is.” Ganito ang kapangyarihan ng mga patnugot, may-ari ng midya at ng iba pang tinaguriang gatekeepers (kasama na ang advertisers). Itinatakda ng mga nasa kapangyarihan ang nilalaman kahit na posibleng ipaglaban ng mga patnugot ang nararapat sa paghuhubog ng opinyong pampubliko. At nangyayari naman ito lalo na’t kung alam ng maraming patnugot at iba pang peryodista ang kahalagahan ng editorial independence sa isang organisasyong pang-midya.

Sa pagsisimula ng taon, maging paalala sana ito sa mga peryodistang patuloy na ipaglaban ang makabuluhang paggampan sa propesyon. Para sa publiko, sana’y igiit na makakuha ng impormasyong mas mahalaga pa kumpara sa kagat ng garapata.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com/

The post Konteksto | Balita appeared first on Bulatlat.


From Bulatlat via This RSS Feed.