Walang awang pinagbabaril at pinasabugan ng ilang M203 ng di bababa sa anim na elemento ng 46th IB ang dalawang magkapatid na magsasaka sa bawnderi ng Sityo San Pedro, Poblacion 3, San Jose de Buan noong Enero 3, ala-1 ng hapon.
Batay sa pag-iimbestiga ng Arnulfo Ortiz Command (BHB-Western Samar) sa napabalitang putukan sa Sityo San Pedro napag-alaman na ang dalawang magkapatid na lalaki na parehong menor de edad ay naghahakot ng kanilang pambentang uling nang makasalubong ang tatlong sundalo at bigla na lamang silang pinaputukan. Batay sa kwento ng kapatid na nakaligtas, may mga tama sa dibdib, kamay at paa ang kanyang nakababatang kapatid. Upang iligtas ang sarili, lumusong siya sa binabahang ilog hanggang sa ligtas na makauwi sa kanilang tahanan.
Hindi pa alam ng pamilya ang tunay na kinahinatnan ng nakababatang kapatid sa kamay ng mga sundalo. Natatakot naman ang pamilya na lumitaw at magreklamo. Dahil sa malagim na pagpaslang kay Norberto Gabane ng elemento ng 87th IB noong Hulyo 30, 2022, umiiwas silang magantihan ng sundalo at baka may muli pang patayin sa pamilya kaya nanatili na lang silang tikom ang bibig.
Ayon sa mga magulang ng biktima, bago pa magpasko ay nag-uuling na ang magkapatid mula sa mga hininging bao sa mga kalapit na niyugan. Nasa ₱26 kada kilo ang presyo ng uling sa bayan ng mga panahong iyon at nagsisikap kumita ang magkapatid para makabili ng smartphone, ayon pa sa ina ng dalawang kabataan. Ang hinahakot na lamang nila ng araw na iyon ay ang natira pa nilang uling na hindi nila naasikaso bago mag-Bagong Taon. Dahil sa kagustuhang makapagdeliber sa umorder ng uling at makumpleto ang kakailanganing pera na pambili ng smartphone bago ang pista ng San Jose de Buan, sinuong ng magkapatid ang panganib ng bahang ilog. Pero natapos ang kanilang pangarap dahil pinaslang ng mga pasistang tropa ang nakababatang magsasaka.
Mariing kinukundena ng Arnulfo Ortiz Command ang brutal na pagpatay ng 46th IB sa naghahanapbuhay na kabataan. Nagnanais lamang silang maabot ang simpleng pangarap sa kabila ng kanilang kahirapan. Ang ganitong walang pakundang pangingistraping ay trabaho ng mga tunay na mga berdugo at terorista laban sa mamamayan.
The post Magkapatid na magsasaka, walang awang pinagbabaril ng berdugong 46th IB! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

