Nasa 867 na manggagawa mula sa mga pagawaan na Charter Link Clark. Inc at La Rose Noire Philippines, na nakabase sa Clark Freeport Zone, ang tinanggal sa trabaho noong Disyembre 2025.
Ang 390 na probationary employee o mga kontrakwal ang tinanggal sa trabaho mula sa kumpanyang La Rose Noire Philippines dahil sa hindi diumano nila pagtugon sa mahigpit na pamantanyan ng kumpanya. Ang kumpanya ay gumagawa ng mga tinapay tulad ng croissants at produkto na gawa sa tsokolate. Ang La Rose ay isang Swiss na panaderya na may mga tindahan sa Europe, Asia, Australia, Middle East at North America. Nakabase ang hedkwarters nito sa Hong Kong.
Samantala, 477 manggagawa mula sa Charter Link Clark Inc., ang natanggal sa trabaho dahil sa pagsasara ng kumpanya. Ang kumpanya ay gumagawa ng mga pananamit para sa brand na Lululemon. Subsidyaryo ang kumpanya ng Charter Link Ltd na nakabase sa Hong Kong.
Ayon sa kumpanya, sa loob ng tatlong taon, pababa nang pababa ang order ng mga damit na nagresulta sa ‘zero’ na inaasahang benta para sa 2026. Nangako ang kumpanya na titiyakin nito ang benepisyo, severance pay at advance na sahod ng mga manggagawa. Sa parehong panahon, pinilit nito ang mga manggagawa na pumirma ng ‘release papers’ sa harap ng mga upisyal ng Department of Labor and Employment (DOLE). Ang release papers o Release, Waiver, at Quitclaim (RWQ) ay dokumento na nilagdaan ng mga natanggal o umalis na empleyado. Sa dokumento, inaabswelto ang employer mula sa pananagutan tulad mula sa claims, o iligal na pagtanggal sa trabaho kapalit ng huling sahod o benepisyo. Binantaan pa ng kumpanya ang mga manggagawa na hindi sila palalabasi sa pagawaan kung hindi sila pumirma sa RWQ. Sa Christmas party ng mga manggagawa ipinaalam sa kanila na magsasara na ang kumpanya.
Ayon kay Eric Nalam, presidente ng unyon, malinaw na ang pagsasara ng kumpanya ay upang wasakin ang unyon, matapos maipanalo ng unyon ang na iligal na pagtanggal sa kanya at ng bise presidente ng unyon sa National Labor Relations Commission (NLRC) at sa Court of Appeals. Aniya, malinaw na ito ay paghihiganti ng kumpanya laban sa mga manggagawa na naglakas-loob na ipaglaban ang kanilang mga karapatan.
Nananawagan ang grupo sa DOLE at Clark Development Corporation na imbestigahan ang pagsasara ng kumpanya at tiyakin makakakuha ng tamang kumpensasyon at benepisyo ang mga manggagagawa.
The post Halos 900 manggagawa sa Clark Freeport Zone, tinanggal sa trabaho appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

