Ginunita kahapon ng mga progresibong organisasyon ng manggagawa at maralita ang naging buhay ng yumaong lider-manggagawa at kongresista na si Crispin “Ka Bel” Beltran sa paggunita sa ika-93 taon ng kanyang kapanganakan. Isinilang si Ka Bel noong Enero 7, 1933. Pumanaw si Ka Bel noong Mayo 20, 2008, sa edad na 75.

Pinangunahan ng Crispin B. Beltran Resource Center (CBBRC) at Kilusang Mayo Uno ang programa ng paggunita. Binaybay ng mga tagaapagsalita dito ang buhay ni Ka Bel mula sa pagiging taxi drayber hanggang sa pagiging kinatawan ng Bayan Muna at Anakpawis Partylist.

Itinuturing ng KMU si Ka Bel bilang “haligi ng kilusang paggawa, lider-anakpawis, makabayang mambabatas” na nag-iwan ng pamana ng “tapat, buong-puso, at ubos-kayang pagsisilbi sa mga maralita at inaapi.”

Inalala ang kanyang buhay at pakikibaka nina Mimi Doringo ng Kadamay, Mody Floranda ng PISTON, at Malou Fabella ng ANGLO-KMU. Nagbigay din ng personal na pagbabalik tanaw si Ofel Beltran-Balleta, anak ni Ka Bel. Ibinahagi niya kung paano nagpapatuloy ang prinsipyo ni Ka Bel sa kanilang pamilya at sa mga organisasyong itinatag niya.

Kasaysayan ng proletaryong militansya

Bata pa lamang si Ka Bel nang unang mapukaw ang kanyang pagka-makabayan. Noong panahon ng okupasyon ng Japan, nasilbi siyang kuryer ng mga pwersang gerilya. Pagkatapos ng digma ay nagsimula na siyang magtrabaho bilang drayber ng taksi. Mula 1955 hanggang 1963, naging presidente siya ng Amalgamated Taxi Drivers Association at Yellow Taxi Drivers’ Union.

Nahalal siya bilang bise presidente ng Confederation of Labor of the Philippines at Philippine Alliance of Nationalist Organizations sa dekada 1960. Dito, tumulong siya sa pagtatag ng iba’t ibang unyon tulad ng KASAMA at PANALO. Noong 1980, malaking papel ang ginampanan niya sa pagkakatatag ng Kilusang Mayo Uno (KMU). Nagsilbi siyang general secretary ng KMU habang nahalal bilang tagapangulo nito si Felixberto “Ka Bert” Olalia. Nang paslangin ang humaliling tagapangulo na si Rolando “Ka Lando” Olalia noong 1986, si Ka Bel ang pumalit sa kanyang pwesto hanggang 2001.

Noong 1987, tumakbo siya bilang senador sa ilalim ng Partido ng Bayan, isang koalisyon ng mga progresibong pwersa pagkatapos ng EDSA Revolution. Nakakuha siya ng humigit-kumulang 1.52 milyong boto, isang malaking bilang para sa isang militanteng kandidato, sa kabila ng malawakang dayaan (tinatawag na “dagdag-bawas” operation) at panunupil noong panahon ni Pres. Corazon Aquino.

Sa dekada 2000, tatlong beses siyang nahalal bilang kongresista. Una sa ika-12 Kongreso bilang pangalawang nominado ng Bayan Muna (2001–2004), ikalawa ay bilang kinatawan ng Anakpawis Partylist (2004–2007) sa ika-13 Kongreso, at ikatlo bilang kinatawan ulit ng Partylist (2004-2010) sa ika-14 Kongreso sa ilalim. Hindi niya natapos ang kanyang termino dahil sa kanyang biglang pagkamatay nang siya’y aksidenteng mahulog habang kinukumpuni ang bubong ng kanyang bahay.

Noong 2006-2007, ipinakulong siya ng noo’y presidente na si Gloria Macapagal-Arroyo dahil sa gawa-gawang kasong rebelyon na kinalaunan ay pinawalang sala ng Korte Suprema.

Liban sa pagiging makabayan, tampok ang pagiging anti-imperyalista ni Ka Bel. Nagsilbi siyang unang tagapangulo ng International Coordinating Committee ng International League of Peoples’ Struggle nang itatag ito noong Mayo 2001 sa Zutphen, Netherlands, hanggang sa kanyang kamatayan noong 2008.

Noong 2008, pinarangalan si Ka Bel ni Jose Maria Sison at ng Pambansang Konseho National Democratic Front of the Philippines sa kanyang “matapang na paglaban sa lahat ng uri ng panunupil na pulitikal.” Pinarangalan din siya ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas bilang “proletaryong internasyunalista, bayani ng uring manggagawa at ng sambayanang Pilipino.”

The post Proletaryong militansya ni Ka Bel, inalala appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.