Dumanas ng panunupil mula sa administrasyon ng De La Salle University (DLSU)-Manila ang mga estudyante nito na naglunsad ng protesta noong Enero 5 sa kampus. Ipinatigil ng administrasyon ang kilos protesta na tumutuligsa sa mga anomalya sa pambansang badyet para sa 2026, militarisasyon sa kanayunan, at inaasahang pagtaas ng matrikula sa unibersidad.
Ayon sa Lasallians Against Corruption (LAC), grupong nanguna sa pagkilos, pinigilan ang mga estudyante ng Student Discipline Formation Office (SDFO) na tapusin ang maiksi sanang programa. Sinubukan ng LAC na makipagnegosasyon sa mga upisyal at administrasyon para ipagpatuloy ang programa ngunit sapilitan silang pinahinto sa kawalan ng “permit.”
Iginiit ng LAC na hindi labag sa Student Handbook ang kanilang pagkilos at paghahayag ng pampulitikang paninindigan. Hindi nakinig ang SDFO at administrasyon sa paliwanag at katwiran ng mga estudyante at paulit-ulit lamang silang pinahinto.
Anang grupo, pinilit pa ng SDFO na kunin ang pangalan ng mga lumahok sa protesta at hinablot ang ID ng isang estudyante. Pinagbantaan sila, laluna ang mga nasa Senior High School, na haharap sa parusa dahil sa kanilang “mayor na paglabag” sa paglahok sa protesta.
“Nais naming ipahayag nang walang pasubali na ang pagkilos ay isang pagpapakita ng aming malinaw, ligal, at demokratikong karapatan na pinoprotektahan ng Students’ Charter (Seksyon 44), mga polisiya sa handbook (Seksyon 1b ng Declaration of the Zero Tolerance for All Forms of Violence Policy), at ng Konstitusyon ng Pilipinas,” ayon sa LAC. Dagdag ng grupo, ni walang nakasaad sa handbook na kailangang kumuha ng mga estudyante ng permit mula sa SDFO para sa kahit anong protesta.
Ayon pa sa LAC, dapat magpaliwanag ang SDFO kung bakit nila ipinahinto ang protesta at bakit kinuha ang pangalan ng mga lumahok sa pagkilos. Nanawagan ang grupo ng talakayan kasama ang SDFO at ang mga nagbuo ng student handbook para ilinaw ang mga karapatan ng mga estudyante alinsunod sa dokumento.
“Huwag tayong matakot sa gitna ng kanilang panggigipit; bagkus, humugot tayo ng lakas mula sa ating pagkakaisa,” panawagan ng LAC. Anang grupo, higit na kinakailangan ngayon ang tinig ng mga estudyante at kabataan laluna at pinirmahan na ni Pres. Ferdinand Marcos Jr noong Enero 5 ang ₱6.793-trilyong General Appropriations Act o pambansang badyet sa 2026 na tinawag ng grupo na batbat ng anomalya.
Samantala, nakiisa sa LAC ang mga progresibong grupo sa kampus. Binati ng Anakbayan Vito Cruz ang katatagan ng mga estudyante sa gitna ng panunupil para ipahayag ang kanilang tindig laban sa sistemikong korapsyon at iba pang mga lokal na isyu.
The post Protesta ng mga estudyante sa DLSU Manila, sinupil ng administrasyon appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

