Mariing kinukundena ng National Democratic Front of the Philippines sa probinsya ng Laguna ang pinakabagong krimen ng Armed Forces of the Philippines sa isla ng Mindoro. Noong Enero 1, sinalubong ng mga pasistang tropa ng 203rd Infantry Brigade, 76th Infantry Battalion, at 1st Infantry Battalion ang bagong taon gamit ang pambobomba at strafing sa komunidad ng mga katutubong Mangyan-Iraya sa Barangay Cabacao, Abra de Ilog, Occidental Mindoro.

Ayon sa mga ulat, hindi bababa sa apat na attack helicopter at 12 bomba ang dumagsa sa lugar. Nagresulta ang pagliligalig sa pagpaslang sa tatlong batang Mangyan-Iraya habang sugatan ang kanilang ina. Namatay rin si Jerlyn Rose Doydora, isang estudyanteng mananaliksik habang hindi pa tiyak ang kalagayan ng isa pang mananaliksik na si Chantal Anicoche.

Pinaulanan ng mga terorista ang lugar habang nagsasagawa ng medical mission ang yunit ng Bagong Hukbong Bayan sa erya. Ito ay sa diwa ng pagtalima ng BHB sa tigil-putukan na dineklara nila, at sa diwa rin ng paglingkod sa sambayanan. Samantala, nasa erya rin sina Doydora at Anicoche bilang mga mananaliksik na nais mag-alam sa tunay na kalagayan ng mga katutubong Mangyan, ang krisis na dinaranas nila, at ang mga dahilan kung bakit mayroong mga lumalahok sa armadong pakikibaka. Nakipag-ugnayan sila sa NDF Mindoro para makapanayam nila ang rebolusyonaryong kilusan sa isla.

Malinaw na hindi lehitimong aksyong militar ang inilunsad ng AFP sa Cabacao. Ito ay isang masaker na pinagtatakpan nila sa tabing ng “kontra-insurhensya.” Kung totoong operasyong pandigma ito na may di umano’y “suporta ng masa”, bakit hindi nagawa ng AFP na makapinsala sa yunit ng BHB, habang sa hanay nila ay may dalawang napatay at dalawa pang sugatan? Bakit ang tanging mga napatay ng AFP ay mga sibilyan at katutubo?

Malinaw rin sa nagpapatuloy na hakbang ng AFP na gipitin at sindakin ang mga tagapagtanggol ng karapatang pantao na nag-iimbestiga sa Abra de Ilog na mayroong tinatago ang AFP. Nalalantad ngayon ang de facto na pagpataw ng Batas Militar sa isla. Sa kasalukuyan, pilit na tinutulak ng AFP ang naratibong walang naganap na paglabag sa karapatang pantao sa Abra de Ilog habang walang-tigil ang paniniktik, intimidasyon, at paglalabas ng black propaganda laban sa humanitarian team na nag-iimbestiga sa lugar. Patunay lamang ito na takot ang AFP na mailantad ang katotohanan ng kanilang kahayupan.

Pinapakita lamang ng insidenteng ito kung kanino talaga nagsisilbi ang AFP—hindi sa mamamayan kundi para sa interes ng mga naghaharing gahaman na naninira ng kalikasan at naghuhuthot ng likas na yaman ng bansa para sa sariling interes.

Sa Abra de Ilog, balak gawing pook eko-turista ang Luyang Baga, isang kilalang kweba sa Barangay Cabacao. Kung matutuloy ang pagtatayo ng mga kalsada papunta rito, sasagasaan nito ang mga palayan at palaisdaan ng mga residente sa lugar. Sa Sitio Malatabako, Barangay San Vicente naman, patuloy na naka-hamlet ang mga katutubong Mangyan dahil sa proyektong pinangungunahan ng Pieceland Corporation. May banta rin ng pagsisimula muli ng pagmimina ng nikel sa pangunguna ng Agusan Petroleum sa mga bayan ng Abra de Ilog, Mambura, Baco, San Teodoro, at Puerto Galera.

Salamin ng nabubulok na krisis panlipunan sa Pilipinas ang nangyayari sa Abra de Ilog at sa isla ng Mindoro. Pinakita lamang nito na sa ilalim ng kasalukuyang malakolonyal at malapyudal na naghaharing sistema, walang maaasahan ang sambayanang Pilipino kundi pighati at pagpapahirap sa kamay ng reaksyunaryong estado.

Nakikiisa ang NDFP Laguna at ang lahat ng rebolusyonaryong organisasyon sa lalawigan sa panawagang basagin ang de facto Martial Law sa isla ng Mindoro. Dapat puksain ang mga tunay na nanggugulo sa mamamayan: ang mga dambuhalang kapitalistang sumisira ng kalikasan, ang AFP na nagtatanggol sa kanila, at ang bulok na estadong nagpapahintulot ng ganitong kaayusan.

Nananawagan din ang NDFP Laguna ng hustisya para sa mga biktima ng masaker sa Cabacao. Dapat mapanagot ang mga yunit ng AFP na sangkot sa masaker alinsunod sa mga internasyunal na batas makatao. Ngunit makakamit lamang natin ang tunay na hustisya sa paglansag sa kasalukuyang bulok na lipunan. Marapat lamang na lalong isulong natin ang demokratikong rebolusyong bayan bilang bukod-tanging solusyon sa krisis at daan para sa tunay na hustisya at kapayapaan.

Bahagi ng 12-puntong programa ng NDFP ang pagtiyak na napapangalagaan ang lahat ng demokratikong karapatan ng sambayanang Pilipino. Kabilang na rito ang karapatan ng mga katutubo sa sariling pagpapasya, ang pagtanggol sa kalikasan, at ang pagkamit ng hustisya. Sa pagpapalakas at pagsulong ng rebolusyonaryong kilusan sa kanayunan at kalunsuran, humahakbang tayo tungo sa mas papalapit na pagkamit ng ating mga pambansa at demokratikong kahingian.

Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan! Panagutin ang mga pasistang teroristang AFP! Ibagsak ang rehimeng US-Marcos at pagtagumpayan ang digmang bayan!

The post Biguin ang de facto Martial Law sa Mindoro! Hustisya para sa mga biktima ng Cabacao massacre! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.