Sa pagpasok ng bagong taon, sukdulang terorismo at pambobomba ang inihasik ng 203rd Brigade at pinagsama-samang elemento ng 1st, 59th at 76th IB, 5th Scout Ranger Batallion, at 2nd ID sa So. Mamara, Brgy. Cabacao, Oriental Mindoro sa mamamayang Mindoreño noong ika-1 ng Enero, mula 9:30 ng umaga hanggang 12:30 ng tanghali. Pataksil nilang ibinaling ang galit nila sa mamamayan matapos makatamo ng pinsala sa kanilang panig at ang desperasyon nitong habulin ang kanilang hibang na planong durugin ang Bagong Hukbong Bayan sa katapusan ng 2025.

Sa proseso ng kanilang walang habas na pambobomba at paghahasik ng teror, nagresulta ito sa pagkasawi ng isang kabataan na si Jerlyn Rose Doydora, 3 batang Mangyan at pagkasugat ng kanilang ina.

Si Jerlyn ay mula sa Maynila na ang layon lamang ay magsaliksik sa kalagayan ng mga katutubo at magsasaka at makapanayam ang BHB upang maunawaan din ang pangunahing dahilan ng armadong sigalot na nangyayari ngayon sa kasalukuyan. Bago pa man ito, prinoseso ng NDF-Mindoro ang pagpasok ng mga kabataan at buong pusong tinanggap ng Bagong Hukbong Bayan ang mga kabataang nagpasya na makipamuhay sa mga pulang hukbo upang makapanayam at malayon nilang mapag-aralan, maranasan, at masaksihan kung ano ang tunay na kinakaharap ng mga katutubo at magsasaka sa Mindoro na pangunahing nakararanas ng kahirapan, kawalan ng kabuhayan at lupa, at ng matinding terorismo sa ilalim ng rehimen ng US-MARCOS II sa pamamagitan ng AFP at PNP.

Pinili ni Jerlyn na ialay ang kanyang lakas at talino upang pag-aralan ang kinakaharap ng mga magsasaka, mulat niyang pinili at malalim na inugat kung ano nga ba ang dahilan ng mga pasakit at pambubusabos sa mamamayan. Isa si Jerlyn sa naglayong maghanap ng tunay na solusyon sa lipunang pagbabago dahil sa paulit-ulit na pagbigo ng kasalukuyang rehimen sa mamamayan nito, sadyang ganito ang pipiliin ng mga kabataan katulad ni Jerlyn dahil hindi na nakikita ng mga kabatan ngayon ang hilaw at mababaw na solusyon sa pamamagitan ng reporma na pilit pinapalunok ni Marcos Jr sa mamamayan.

Hindi lamang si Jerlyn ang naging biktima ng pasismo ng mga kasundaluhan, maraming mga magsasaka, kabataan, at katutubo ang nakaranas ng kahayupan ng AFP. Mula Enero 2025 hanggang Nobyembre 2025, naitala ang 119 na kaso at 16,733 na biktima ng paglabag sa karapatang pantao sa Mindoro. Apat na beses na dumanas ng aerial bombing at aerial strafing ang island sa mga bayan ng Pola, Oriental Mindoro, Mansalay, Oriental Mindoro, at Baco na mayroong tinatayang 1,080 na biktima at nagpapatuloy ito hanggang ngayon. Bukod dito, walang habas ang harassment at surbeylans sa mga lider at delegasyon ng International Solidarity Mission na ginanap noong Oktubre 11.

Patunay ito sa lumalala at nagpapatuloy na paglabag sa karapatang pantao ni Marcos Jr. at instrumento nitong mga berdugong Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police kaya’t hindi na nakapagtataka kung ang mga kabataan na katulad ni Jerlyn ay pipiliing tumahak ng mas mahirap na landas at ialay ang kanilang natatanging lakas at talino upang mahanap ang tunay na solusyon para sa pagpapalaya sa lipunan at ugatin kung bakit nga ba pinipili ng sambayanan na tumangan ng armas.

Dadami at magpapatuloy ang mga kabatang katulad ni Jerlyn na nagnanais ng tunay na lipunang pagbabago sa tumitinding krisis na kinakaharap ngayon hindi lamang ng mga kabataan kundi ng buong sambayanang pilipino sa lumalalang korapsyon ni Marcos Jr., kawalan ng tunay serbisyong panlipunan, kawalan ng kabuhayan, at kawalan ng trabaho. Sadyang magbubunsod ang mga problemang ito ng laksa laksang mga kabataan na pipiliing tumahak ng mas mahihirap na landas para makamit at maibagsak ang naghaharing sistema na siyang dahilan ng pambubusabos sa mamamayan. Sa kabila nito, hinding hindi mapipigilan ni Marcos Jr. at ng mga tuta nitong mga uhaw sa dugo na AFP at PNP ang mga kabataan na katulad pa ni Jerlyn.

Kabataang Rizaleno, sama-samang kundenahin ang teroristang AFP-PNP at rehimeng US-Marcos II!

Ipanawagan ang hustisya para kay Jerlyn Rose Doydora at sa 3 batang Mangyan na nasawi!
Isulong ang Demokratikong Rebolusyong Bayan!

The post Kundenahin ang pambobomba ng 203rd Brigade sa mamamayan ng Abra De Ilog! Hustisya para kay Jerlyn Rose Doydora at sa 3 batang Mangyan na nasawi! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.