Katawa-tawa ang pagbabanta ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) sa namumuong dambuhalang opinyong publiko ng sambayanang Pilipino na nagpapahayag ng pagkamuhi, disgusto at pagtatatwa sa lantarang pasismo-terorismo ng Armed Forces of the Philippines sa huling insidente ng walang patumanggang pambobomba at istraping na ibinungad ng 203rd Infantry Brigade, 2nd Infantry Division Philippine Army, 5th Scout Ranger Battalion at Philippine Airforce sa Sityo Mamara, Barangay Cabacao, Abra de Ilog, Occidental Mindoro noong Enero 1.
Bistadong-bistado na, gusto pang lumusot! Ang estilong bulok ng mga mouthpiece ng reaksyunaryong gubyerno tulad ng NTF-Elcac ay malaon nang bumubuga ng kasinungalingan at basura para linlangin at lasunin ang isip ng mamamayan. Ginagawa nila ito upang pagtakpan ang kanilang karumaldumal na mga krimen sa mamamayan sa gitna ng inihahasik nitong kontra-rebolusyonaryong gera.
Sa loob ng mahabang panahon, ang rehimeng US-Marcos II, AFP at iba pang reaksyunaryong ahensya ay gumagastos ng milyun-milyong piso para gumamit ng “troll army” sa pagdemonisa sa rebolusyonaryong kilusan at ilagay sa masamang anggulo ang lehitimong karaingan ng bayan. Naglulunsad sila ng mga forum at mga aktibidad para lamang siraan ang mga progresibo at makabayan. Gamit ang pera ng taumbayan, binabaluktot nila ang kasaysayan at makatwirang pag-aaklas ng bayan. Sila ang pasimuno sa pagpapakalat ng black propaganda at fake news para pagtakpan ang kabulukan at kapalpakan ng rehimen kasabay ng layuning pagsupil at pagpapatahimik sa laban ng bayan.
Sa pagkalantad ng katotohanan sa insidente sa Abra de Ilog, ipinagpipilitan pa rin ng NTF-Elcac ang gasgas nang paggamit sa terror/red-tagging upang subukang pipilan ang mga makatao, makabayan, progresibo at mapagmahal sa kapayapaang mga grupo’t indibidwal. Gayong ang mga panawagan nila ay makatarungang hiyaw ng hustisya para sa mga biktima ng bombahan at istraping habang sinisiyasat ang katotohanan sa kaganapan.
Kabalintunaang manggaling sa bunganga ng reaksyunaryong estado—na kontrolado ang censorship sa mga aparatong mainstream, social media, radyo, pahayagan, telebisyon at internet—ang pagbibintang sa pagkontrol ng Communist Party of the Philippines sa “singkronisado” at “sinadya” na propaganda laban sa kanila. Ang ganitong pahayag ng NTF-Elcac ay pagkapikon sa pagkakalantad ng kanilang mga krimen sa taumbayan. Ang ganitong tipo ng mga pahayag ay atakeng sikolohikal sa bait ng mamamayan upang pigilan silang tumindig sa kanilang sariling pagsusuri sa pagkabatid sa katotohanang ang AFP at GRP ang numero unong tagalabag sa karapatang tao ng sambayanang Pilipino. Lalong nalalantad ang kabulukan at kasamaan ng NTF-ELCAC para pagtakpan ang mga kriminal na pasista’t berdugo na walang habas na namamaril at nambobomba ng komunidad ng mga sibilyan at overkilll kung umatake sa mga yunit ng NPA.
Alam na alam na ng sambayanang Pilipino at buong mundo na ang halimaw ng mga berdugong heneral at mersenaryong AFP-PNP-CAFGU ang pasimuno ng mga pag-atake sibilyan. Katunayan, nahatulan na ng International People’s Tribunal na maysala ang AFP at GRP kapwa sa ilalim ng rehimeng US-Marcos II at rehimeng US-Duterte at imperyalismong US sa mga paglabag sa internasyunal na makataong batas at karapatang tao ng mamamayan. Namumuhi ang buong bayan at naghahanap ng alternatibong gubyerno at tunay na Hukbong maglilingkod sa kanilang interes at kapakanan—isang Hukbo na tunay na pumoprotekta sa buhay, kabuhayan at karapatan ng mga mamamayan.
Ang New People’s Army na absolutong pinamumunuan ng CPP ang tunay na Hukbo na hinahanap ng sambayanang Pilipino. Dalisay at tunay sa kanilang hangaring magsilbi sa mamamayang api at pinagsasamantalahan, hindi sila titigil hangga’t maigawad ang tunay na pagbabago at hustisyang panlipunan. Tapat sa kanilang proletaryong paninindigan, iniaalay nila ang kanilang buhay sa kapakanan at kagalingan ng masang anakpawis para sa tunay na kalayaan at demokrasya.
Panahon na upang magkaisa at tumindig ang masang Pilipino at padagundungin ang kanilang tinig sa mga lungsod hanggang sa kanayunan upang ihain ang hustisya sa lahat ng biktima ng karahasan at terorismo ng rehimeng US-Marcos II. Hindi dapat magpahanggan sa mga pananakot at pagbabanta ng mga reaksyunaryong institusyon o ahensya. Dapat tumindig ang mamamayan sa alam nilang tama at ipaglaban ang kanilang karapatan sa impormasyon.###
The post NTF-Elcac, bumubuga ng kasinungalingan at pagbabanta appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

