Tatlong bata ang napatay at isang ina ang sugatan sa komunidad ng Mangyan Iraya ang napaulat na resulta ng tatlong oras na pambobomba at istraping mula 9:30 ng umaga hanggang 12:30 ng tanghali gamit ang 4 na helicopter ng 203rd Infantry Brigade, 2nd Infantry Division sa Sityo Mamara, Barangay Cabacao, Abra de Ilog, Occidental Mindoro noong Enero 1. Napaslang din sa nasabing serye ng mga pambobomba ang isa pang kabataang researcher na napahiwalay sa yunit ng NPA sa proseso ng labanan. Isinagawa ng mga berdugong pwersa ang pambobomba matapos ang labanan sa parehong araw bandang 6:30 ng umaga sa pagitan ng isang yunit ng Lucio de Guzman Command-NPA Mindoro at pinagsanib na pwersa ng 1st IBPA, 76th IBPA, 59th IBPA at 5th Scout Ranger Battalion.
Kabilang din sa mga pinsala ng pagsabog ang pagkasawi ni Jerlyn Rose Doydora, isa pang kabataang nakipamuhay sa mga Mangyan Iraya at masang magsasaka sa Abra de Ilog. Namatay siya sa pag-atake ng kanyang sakit dahil sa matinding stress na sinapit sa bombahan. Ang mga kabataang ito ay tumungo sa Abra de Ilog upang makisalamuha sa mga katutubong Mangyan at masang magsasaka na inabandona ng estado. Iprinoseso ng NDF-Mindoro ang kanilang integrasyon upang mag-imbestiga sa kalagayan ng mga masa at magsagawa ng interview sa yunit ng NPA.
Hanggang sa kasalukuyan, matinding takot at trauma ang hatid ng pambobomba at pang-iistraping ng mga karatig ng Barangay Cabacao. Napinsala pa ang kabuhayan ng masang magsasaka kung saan dalawang baka at tatlong baboy ang natamaan ng bomba sa pastuhan. Walang pagsasaalang-alang sa gutom at pagkawala ng kabuhayan ng mga residente, sapilitang pinalikas dahil sinusuyod ng mga berdugong militar ang lugar.
Ang ganitong sitwasyon ang pilit na pinagtatakpan ng AFP sa pambabaluktot ng mga balita sa social media. Napakalupit ng AFP sa pagpigil sa mga mapagkawanggawang grupo na maglunsad ng humanitarian aid sa mamamayang biktima ng mga paglabag sa karapatang tao. Masahol pa, walang pakundangan silang nireredtag ng pasista at korap na institusyong NTF-ELCAC. Sukdulang kasamaan ang paglapastangan sa karapatan ng taumbayan habang pinagbabawalan silang bigyang tulong at manawagan ng katarungan.
Lalo lamang nitong pinaaalab ang galit ng buong bayan. Nakakasuka ang buktot nilang pangangatwiran para ipatanggap sa mamamayang Pilipino ang pambobomba nila sa himpapawid. Kahangalang sabihin na para sa “kaligtasan” ng mamamayang Mindoreño ang isinagawa nilang pambobomba gayong maliwanag pa sa sikat ng araw kung gaano katindi ang pinsala ng kanilang karahasan sa bayan.
Marapat na patuloy na ipaglaban ng mamamayang Pilipino ang katotohanan at karapatan sa malayang pamamahayag sa gitna ng malawakang disimpormasyon at pagtatakip ng AFP-PNP sa mga krimen nito sa bayan. Hinahamon ng NDFP-ST ang mga mamamahayag na ilantad ang tunay na mga kaganapan sa likod ng malupit na operasyong militar ng 203rd Brigade, 2nd IDPA sa Abra de Ilog at iba pang panig ng bansa.
Nananawagan ang NDFP-ST na patuloy na ilantad at malawakang kundenahin, singilin at papanagutin ang lahat ng anyo ng kasamaang ginagawa ng mga berdugong tropa ng 203rd Ibde, 2nd ID sampu ng mga yunit ng AFP-PNP-CAFGU laban sa mamamayang Pilipino. Dapat na manawagan para sa ligtas na pagsasagawa ng isang humanitarian mission sa Abra de Ilog upang mag-imbestiga at tulungan ang mga biktima ng karahasan ng AFP at estado. Makatarungang igiit na itigil ang di naglulubay na mlitarisasyon sa kanayunan na nagdudulot ng walang pakundangang pambobomba at pang-iistraping sa mga komunidad ng magsasaka at katutubo. Ito ang tunay na naghahatid ng terorismo sa bayan. Dapat na palayasin ang mga militar sa mga komunidad ng mamamayan dahil wala silang ibang dulot kundi pinsala at perwisyo sa buhay at kabuhayan ng mamamayan.#
The post Papanagutin ang 203rd Infantry Brigade at 2nd ID bilang mga kapural ng mga paglabag sa karapatang tao sa Abra de Ilog! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

