Bumungad nitong Bagong Taon ang karahasan ng AFP sa isinagawa nitong walang habas na pambobomba at pang-iistraping gamit ang mga helicopter nito sa Barangay Cabacao, Abra de Ilog, Occidental Mindoro matapos ang labanan sa pagitan ng isang yunit ng Lucio de Guzman Command-NPA Mindoro at pinagsanib na pwersa ng 1st, 59th at 76th Infantry Battalion at 5th Scout Ranger Battalion ng 203rd Infantry Brigade at 2nd Infantry Division noong Enero 1, bandang 6:30 ng umaga. Sa ganito, muling pinatunayan ng AFP ang tunay nitong katangian bilang mga utak pulbura, berdugo at terorista na banta sa buhay, kabuhayan at katahimikan ng bayan.

Una, mahalagang matukoy na naganap ang labanan dahil sa pataksil na pag-atake ng 203rd Infantry Brigade habang ipinatutupad ng naturang yunit ng LdGC at lahat ng yunit ng NPA sa buong bansa ang unilateral na tigil-putukan sa atas ng Communist Party of the Philippines. Nasa Barangay Cabacao ang Pulang hukbo dahil nagsasagawa ito ng imbestigasyon at konsultasyon sa mga katutubong Mangyan-Iraya at magsasakang Mindoreño at upang paunlakan ang mungkahi ng mga kabataan na makipanayam sa kanilang yunit.

Mismong galing sa bibig ng 203rd Infantry Brigade na strike operation ang inilunsad nila laban sa yunit ng NPA Mindoro. Ang pagputok ng mga baril sa panig ng NPA Mindoro bilang tugon sa atake ng AFP ay bahagi ng aktibong pagdedepensa ng sarili at upang ligtas na makaatras kasama ang mga nakipamuhay na kabataan sa kanila.

Pangalawa, labis-labis ang ginagamit ng 203rd Brigade, 2nd Infantry Division na mga pwersang militar laban sa isang yunit ng NPA Mindoro. Bukod sa pag-atake ng apat na panagupang batalyon ng Philippine Army, nagpasabog ang 203rd Brigade ng kabuuang 12 bomba at apat beses na pag-istraping mula 9:30 ng umaga hanggang 12:30 ng tanghali gamit ang apat na attack helicopter.

Isinagawa ang terorismo nang walang pagsasaalang-alang sa kaligtasan at buhay ng mga sibilyan, lalo ng mga residente sa lugar. Iniresulta ng pambobomba ang pagkamatay ng tatlong batang Mangyan Iraya at nasugatan ang kanilang ina. Ikinasawi rin ito ng isa sa mga kabataang nakipamuhay na si Jerlyn Rose Doydora na inatake ng sakit sa proseso ng pag-atras dahil sa trauma na hatid ng walang pakundangang pagbomba at pamamaril ng militar. Gayundin, namatay ang isa pang kabataang napahiwalay sa proseso ng pag-atras. Nadamay pa ang mga alagang hayop kung saan di bababa sa dalawang baka at tatlong baboy ang napatay.

Nang walang pagalang sa mapayapang pagsalubong sa bagong taon bilang tradisyon ng mga Pilipino, ang madaling araw ng Enero 1 ay sinagpang ng AFP upang iputok ang unang labanan sa 2026 sa desperasyong ipakita ang superyoridad nito at pagtakpan ang kabiguang makamit ang target na malipol ang rebolusyonaryong kilusan sa Mindoro noong 2025. Kabalintunaan ang ipinagyayabang nitong “tira-tira” na lamang ang mga rebolusyonaryong pwersa sa Mindoro gayong binuhusan nila ng napakalaking pwersang militar at pondo ang operasyon. Tiyak na ang nasa likod ng paggamit ng malaking pondo ay para pagpiyestahan ito ng matataas na opisyal ng militar habang nagpapagod ang mga karaniwang kawal nito sa pagtugis sa NPA. Sa ginawang ito, tumutungo na ang AFP-PNP at si Marcos sa paggaya sa kriminal sa digma na si Netanyahu at sa pasistang Israel Defense Forces na walang piniling oras, panahon, lugar na hindi nagpupwera sa sibilyang target sa mga pambobomba at pamamaslang sa mga Palestino sa kanilang lupain.

Dapat pagbayarin at papanagutin ang 203rd Infantry Brigade, 2nd IDPA at rehimeng US-Marcos sa pagkasawi ng tatlong bata, ni Jerlyn Rose Doydora at isa pang kabataan. Dapat nang itigil ang paghahasik ng pinsala, takot at kaguluhan sa isla ng Mindoro at buong bansa.

Ang pasismo ng AFP-PNP at ang grabeng pagkabulok, mandarambong at papet ng rehimeng Marcos ang nagtutulak sa mamamayan na patuloy na lumaban para sa pagkakamit ng kanilang karapatan at kagalingan. Nararapat dakilain at tularan ng mga kabataan si Jerlyn sa mapangahas na pagtungo sa aping mamamayan upang alamin ang kanilang kalagayan at tulungan sila sa paghahanap ng tunay na solusyon sa pagbabagong panlipunan.

The post Papanagutin ang 203rd Infantry Brigade, 2nd ID sa pambobomba at pang-iistraping sa Mindoro appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.