Nagtungo sa Abra de Ilog, Occidental Mindoro ang Karapatan-Southern Tagalog (ST) para maglunsad ng isang humanitarian mission na mag-iimbestiga sa naganap na aerial bombing at istraping ng Armed Forces of the Philippines (AFP) noong Enero 1 sa Barangay Cabacao. Nagsimula ang humanitarian mission noong Enero 3 at nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan.

Ang pambobomba at istraping sa Barangay Cabacao noong Enero 1 ay naganap bandang alas-9 ng umaga. Kumalat sa Facebook ang mga bidyo at post kaugnay ng insidente. Sa mga bidyong ito, bakas sa boses ng mga residente na nakatira malapit sa pinangyarihan ang pag-aalala at pangamba.

Ayon sa National Democratic Front (NDF)-Mindoro, kabilang sa biktima ng insidente ang kabataang mananaliksik na si Jerlyn Rose Doydora. Namatay siya matapos atakehin ng kanyang sakit sa kasagsagan ng matinding pambobomba at pang-iistraping. Liban sa nangyari kay Doydora, iniulat ng NDF-Mindoro na nawawala ang isa pang kabataang estudyante matapos mapahiwalay nang naganap ang pag-atake ng AFP.

Ang dalawa ay kabilang sa mga kabataan na nagpaabot ng hangarin na makapanayam ang mga katutubo at magsasaka sa Mindoro at ang mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Nais nilang alamin ang kongkretong kalagayan ng mga masa, ang dahilan ng armadong sigalot at ang tunay na solusyon para makamit ang kapayabaan. Pinangasiwaan ng NDF-Mindoro ang pagtanggap sa mga bisita sa Abra de Ilog bago ang bagong taon.

Ang pagtunton sa bangkay ni Doydora, paghahanap sa isa pang kabataan at pag-iimbestiga sa kalayagan ng mga Mindoreño na napinsala ng pambobomba at pang-iistraping ang pangunahing layunin ng humanitarian mission. Nang makarating sa bayan ng Abra de Ilog, kaagad na lumapit ang Karapatan-ST sa lokal na pamahalaan para pormal na ilunsad ang humanitarian mission.

Kasunod nito, nagtungo ang tim sa evacuation center sa Cabacao High School kung saan tumutuloy ang mga napalayas na katutubo at magsasaka. Nakatigil sa eskwelahan ang mga pulis na nagdudulot ng pangamba sa mga nagbakwit.

Ayon sa Karapatan-ST, kahit na iginigiit nito ang pagsasagawa ng independyenteng imbestigasyon ay pilit na sinasabi ng mga tauhan ng barangay na maayos ang kalagayan ng mga katutubo at wala umanong abusong militar. Hindi pinahintulutan ang tim na mag-imbestiga sa eskwelahan.

Sa araw na iyon, isinagawa rin ng grupo ang pagpunta sa mga punerarya sa Abra de Ilog at karatig na lugar upang hanapin ang bangkay ni Doydora. Nagtungo rin ang tim sa Municipal Police Station ng Abra de Ilog para magtanong subalit wala umanong alam na impormasyon ang mga pulis tungkol sa bangkay ni Doydora, maging sa isa pang nawawalang kabataan.

Pagsapit ng gabi, nagpakalat ang mga sundalo ng pananakot na huwag patuluyin ang humanitarian team ng Karapatan-ST sa mga simbahan ng Mindoro. “Ang simbahan ay kanlungan ng mamamayan—isang bulwagang dapat bukas sa lahat ng nangangailangan ng matutuluyan; higit sa lahat ito ay isang Zone of Peace na hindi dapat nililigalig ng mga militar,” ayon sa grupo.

Noong Enero 4, iniulat ng Karapatan-ST ang patuloy na pagmamanman ng pulis at militar sa kanilang humanitarin mission. “Malinaw na takot ang militar sa presensya ng humanitarian team na ang tanging layunin ay alamin at ilantad ang katotohanan. Ipinapakita nito na may tinatago ang AFP-PNP at sinisikap nilang hadlangan ang humanitarian mission,” anang grupo.

Magpapatuloy pa sa susunod na mga araw ang humnitarian mission ng Karapatan-ST. Inaasahang makikiisa sa misyon ang iba pang mga grupo at lider-masa sa darating na mga araw.

The post Humanitarian mission para imbestigahan ang pambobomba ng AFP sa Mindoro, inilulunsad ng mga grupo appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.